Una sa Balita

Meralco-MVP diniin sa power plant shutdown

0 231

UMAPELA ang grupo ni Bayan Muna Party-list Rep. Carlosa Isagani Zarate kay Pangulong Rodrigo Duterte na atasan ang Energy Regulatory Commission (ERC) na rebisahin ang mga sweetheart deal ng Meralco kaugnay sa mga kinukuwestiyong power supply agreement (PSA) nito para sa mga coal-fired power plant.

Posibleng konektado umano ang mga ito sa problema ng manipis na reserba ng kuryente para mailusot ang mga kuwestiyonableng PSA ng kompanyang pag-aari ni Manuel V. Pangilinan.

“Ang panawagan natin kay Pa­ngulong Duterte, ipa-review itong existing power supply agreements. Nababahala tayo doon sa statement noong nakaraang araw ng Meralco na dapat nang buksan talaga ang naka­binbin na power plant applications especially coal-fired power plants,” pahayag ni Zarate sa ginanap na pulong balitaan, Biyernes nang hapon.

“Alam natin hanggang ngayon na may seven PSA ang Meralco na questionable. Nananawagan tayo sa ERC na huwag gawing pressure ito para na lang payagan nila ‘yung seven PSA na iyon kahit na lumabas sa pagdinig o sa imbestigasyon ng House Committee on Good Government na talagang maanomalya ang kasunduang iyon,” giit ni Zarate.

Nababahala rin ang mambabatas na puwede aniyang “ma-hostage” ang mga consumer at gamiting rason ang manipis na reserba ng kuryente para mailusot ang mga kuwestiyo­nableng transaksiyon ng Meralco.
“Ang ating panawagan, huwag gawing hostage situation itong nangyayari ngayon power supply situation sa Luzon grid para ipasa itong mga maanomalyang PSA especially the seven PSA with its sister gencos,” pagdidiin ni Zarate.

Kaugnay ng nangyayaring problema sa enerhiya sa Luzon grid, pa­ngunahing panawagan aniya ng Bayan Muna ay ipa-review ng Pa­ngulo sa mga regulatory agency o mga res­ponsableng ahensya ang mga PSA ng mga distribution utility at mga ge­neration company.

“Dahil sa nangyayari ngayon talagang dehado tayong mga consumer at hindi natin masisisi ang mga consumer bakit nag-iisip sila na parang ano ito paghahanda o parang sinasadya para na naman sa pagtaas ng presyo ng kuryente,” ani Zarate.

“Ito rin ‘yung mga power plants na since 2012 parang suking-suki na nila na mag-shutdown kung kailan kulang ‘yung supply ng kuryente or ‘yung ating reserve parang kukulangin eh nagsa-shutdown itong mga power plant na ito,” dagdag ng kongresista.

Hindi aniya puwedeng gamiting rason na summer at mainit ang panahon dahil hindi naman ito phenomenon na biglang nangyari na lang. Aniya, puwedeng mapaghandaan ang mga ganitong sitwasyon.

Kaya hindi talaga aniya masisisi ang mga consumer na mag-isip na niluluto ito para tumaas ang singil sa kuryente. (Aries Cano)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy