Una sa Balita

Meralco binara sa ipinasang bayarin sa TRAIN Law

By
0 1,499

Mag-isang saluhin ng Meralco at huwag ipasa sa consumers ang taas-singil sa kuryente.

Ito ang iginiit ni Ba­yan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate, bunsod ng power rate hike na sasagasa dulot ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law.

Inihayag ng solon na marami pang dapat i-refund ang Meralco sa mga consumer.

“Kasama na dito ang sobrang nasingil nito noong 2013 Malampaya­ shutdown na ‘di na binalik sa mga nagbayad na consumers. May pagtaya na mahigit P1.2 bil­yon sa minimum ang dapat na i-refund na ito dahil sa TRO ng Supreme Court,” pahayag ni Zarate.

Noong isang taon ay kumita rin ayon sa Ba­yan Muna solon ng tinatayang P19.2 bilyon ang Meralco kaya naman kayang-kaya umano nitong saluhin ang itataas sa singil ng kuryente dahil sa TRAIN.

“Kung tutuusin dapat nga ay doblehin pa nga ang dapat ibalik ng Meralco dahil sa danyos at perwisyo na idinulot nila sa mga consumer,” pagdidiin ng kongresista.

Ito aniya ang hirap sa tax reform package law ng gobyerno dahil ipinapasa lang talaga ito ng mga kompanya sa mga konsyumer.

“Kaya naman din hindi nagreklamo ang mga kompanya noong pinagdedebatehan ang TRAIN. Ngayon, nasaan ang mga armchair economist ng administrasyon na nagsabi na ‘di daw mararamdaman ang pagtaas ng bilihin dahil sa TRAIN?” ayon pa kay Zarate.

Nauna nang inanunsyo ng Meralco na babalandra sa monthly bill ngayong Pebrero ang P1.08/kwh power rate hike.