Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Mental health ng kabataan dapat i-prayoridad sa face-to-face classes

0 1,031

Bukod sa agarang pagkakaroon ng learning recovery sa gitna ng mga pinsalang dulot ng COVID-19 sa sistema ng edukasyon, ang pagpapatuloy ng mga safety nets para sa mga kabataang mag-aaral ay isang mahalagang hakbangin para bigyan ng prayoridad ang ligtas na pagbubukas ng mga paaralan.

Pero dapat magsimula muna ang pagbubukas sa mga itinuturing na low-risk areas. Base sa mapa ng COVID-19 tracker ng University of the Philippines, may mahigit 400 mga munisipalidad ang walang aktibong kaso ng COVID-19 buhat noong Pebrero 9.

Nagsasagawa ng iba´t ibang programa ang mga paaralan upang masuportahan ang mga lubos na nangangailangan nilang mga mag-aaral. Para sa ilan sa kanila, halimbawa, ay ang school-based feeding program kung saan ito lang ang tanging pinagkukunan nila ng masustansyang pagkain kada araw.

May mga programa ring pangkalusugan sa mga paaralan tulad ng deworming at pagbabakuna, habang ang ilan naman sa mga bata na nanganganib na makaranas ng karahasan at pang-aabuso sa loob ng kanilang tahanan ay maaaring matulungan ng mga child protection programs ng eskwelahan. Kung inyong matatandaan ay mataas ang kaso ng karahasan laban sa mga kabataan dito sa bansa at lalo pang nanganganib na umakyat ang bilang nito ngayong panahon ng pandemya.

Makakatulong naman sa mental health ng mga estudyante ang pakikipag-ugnayan nila sa kanilang mga kapwa mag-aaral kapag natuloy na ang face-to-face classes lalo na sa low risk areas. Sa pamamagitan din kasi ng limitadong face-to-face classes, tiyak na makakatanggap ang mga mag-aaral ng sapat na paggabay mula sa kanilang mga guro.

Bilang Chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture, nais din nating bigyang diin ang maayos na implementasyon ng minimum public health standards sa pagbabalik ng edukasyon sa mga paaralan. Base sa mga pag-aaral na ginawa ng Centers for Disease Control and Prevention (CDC) sa Estados Unidos, Public Health Agency (PHA) ng Northern Ireland at University of Warwick sa Inglatera, mas malaki ang posibilidad na mahawa ang mga kabataan sa mga komunidad kesa sa mga paaralan kaya posible ang pagsasagawa ng face-to-face classes basta ipagpatuloy lang ang wastong pagsuot ng mask, pag-obserba ng physical distancing, regular na paghuhugas ng kamay at disinfection.

Maliban sa pagbibigay ng edukasyon, ang mga paaralan ay nakatutok din sa kalusugan, proteksyon at kapakanan ng ating mga estudyante na maaari lamang maibigay sa kanila kapag nagkaroon na ng face-to-face classes. Ating tandaan na labis na mahalaga ang pagtugon sa mga programang ito ngayong panahon ng pandemya at hindi ito dapat isinasawalambahala alang-alang sa kinabukasan ng kabataang Pilipino.

Leave A Reply

Your email address will not be published.