Una sa Balita

Menor de edad, 2 pa huli sa buy-bust sa Marikina

By
0 156

ARESTADO sa ikinasang buy-bust operation ang dalawang tulak kasama ang isang menor de edad na nagbenta ng droga sa isang police poseur buyer, kamakalawa nang gabi sa Brgy. Concepcion Dos, Marikina City.

Kinilala ni Insp. Greco Gonzales, hepe ng Station Drug Enforcement Unit (SEDU) ang mga naaresto na sina Rouvenn Estores alyas ‘Benok’, 23-anyos; Romel Lanang, 22-anyos; at isang menor de edad, pawang mga residente ng nasabing barangay.

Ayon sa report, ikinasa ang buy-bust bandang alas-9:45 kamakala­wa nang gabi sa Lilac St., Brgy. Concepcion Dos, nang makipagtransaksiyon ang isang pulis sa menor de edad para bumili ng droga.

Nang positibong nakabili ng isang pakete ng shabu ang isang pulis na umaktong buyer, agad na nagbigay ng hudyat sa kanyang mga kasamahan para lusubin at arestuhin ang mga suspek.

Nabatid na ginagamit ng mga tulak ang menor de edad para sa kanilang iligal na gawain.

Nakumpiska mula sa mga suspek ang walong pakete ng shabu at P500.00 na ginamit bilang buy-bust money.

Kasalukuyang nakakulong ang mga suspek sa Marikina detention cell at nahaharap sa kasong paglabag sa Sec 5 at Sec 11 ng RA 9165 o Illegal Drugs Act.