Una sa Balita

Mega shabu sa Batangas farm, sinalakay

Kayang gumawa ng 25 kilo o P125M shabu, ecstacy kada araw

By ,
0 1,274

Arestado ang tatlong Chinese chemist at 5 Pinoy na nagsisilbing mga helper matapos sa­lakayin ng awtoridad ang isang shabu laboratory na nakatayo sa tagong farm sa bayan ng Ibaan, Batangas.

Ayon kay Supt. Chitadel Gaoiran, spokesperson ng Calabarzon PNP, dakong alas-sais ng umaga nang salakayin ng pinagsanib na puwersa ng Philippine National Police (PNP), Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Armed Forces of the Philippines (AFP) ang sinasabing shabu laboratory na nakatirik sa 1.3 ektaryang Hingoso farm sa Brgy. Sto. Niño ng nabatid na bayan.

Naaresto sa raid ang tatlong Chinese national na chemist kung saan dalawa sa mga ito ay kinilalang sina Tian Baoguam at Gou Zixing habang tatlo sa limang pinoy na naaresto na sina E­duardo Lorenzo, 59, electrician; Rosaleo Cesar, 49, at Amancio Gallarde, 49-anyos.

Base sa ulat na ang pagkakadiskubre sa shabu laboratory na kayang gumawa ng 25 kilong ‘fi­nished product’ na shabu at ecstacy o tinatayang aabot sa P125 milyon kada araw ay base na rin sa tip mula sa National Narcotics Control Commi­ssion ng China na ayon sa kanila ay tatlong linggo na umanong nag-ooperate.

Ang financier umano ng nasabing shabu lab ay mula sa Hong Kong kingpin at konektado sa Dragon Wu drug syndicate na nag-ooperate din sa mga bansang Mynamar, Laos at Thailand.

Ayon kay PDEA chief Director General Aaron Aquino na halos lahat ng nakuhang equipment ay improvised. Nag-iimbentaryo pa ang pulisya sa mga nakuha sa umano’y shabu laboratory.

Base sa impormasyong nakuha ng pulisya, maituturing na isang chemical warehouse at ‘clandestine shabu laboratory’ ang kanilang sina­lakay matapos makakuha ang mga ito ng iba’t ibang chemicals na gamit sa paggawa ng shabu gayundin ang ilang baldeng liquid shabu.

Sa ngayon ay patuloy pa rin ang ginagawang imbentaryo ng awtoridad sa mga nakuhang kemikal at mga iligal na droga sa lugar.