Una sa Balita

Meet Me Halfway

By
0 323

(Huling labas)

“Hindi pa namin napapag-usapan.”

“E sa relasyon niyo, tingin mo ba sa altar na ang tungo niyo?”

Mapait ang ngiting sumilay sa mga labi ni Alex.

“I want to…but of course na kay Gillian ang huling pagpapasya.”

Sa isip ni Alex paano niya magagawang mag-propose sa dalaga kung alam naman niya kung sino talaga ang nilalaman ng puso nito. Ano ang magiging papel niya sa buhay ni Gillian kapag nagbalik na si Scott sa alaala nito?

“Kunsabagay, maaga pa naman para sa wedding bells,” nakangiting tugon naman ni Riza.

Maya-maya lang ay nagpababa na si Riza sa harap ng isang convenience store.

“Thank you, Alex, may bibilhin lang ako dito.”

“Gusto mo bang hintayin kita?”

“No thanks, baka matagalan ako, mabagal akong mamili eh.”

“Okay, I’ll go ahead.” Pagkasabi niyon ay pinaandar na ng binata ang sasakyan.

Mula nang makalabas sa ospital ay palagi nang napapanaginipan ni Gillian si Scott. Hindi­ niya ito sinasabi kahit kanino. Palagi niyang­ ­nakikita sa panaginip niya na nakatayo ito sa ­gitna ng ulanan. Sa tuwing magigising siya ay may luha ang mga mata niya.

“Sino ka ba talaga…gaano ka ba kahalaga sa’kin?…”

Maulan nang araw na iyon. Sumilip siya sa bintana.

Samantala. Labag man sa kalooban ni Alex ay nakapagdesisyon na siya. Subalit bago niya kausapin si Gillian ay gusto muna niyang makausap si Scott. Gusto niyang masiguro sa damdamin nito para sa dalaga.

Nagulat si Scott nang mapagsino ang ­kumakatok.

“Alex?”

“Puwede ba kitang makausap?”

Related Posts

Papasok na sana sa trabaho si Scott pero pinili niyang ipagpaliban ito para mapagbigyan si Alex.

“Upo ka.”

Naupo si Alex sa sofa. Gano’n din si Scott.

“Hindi na ako magpapaliguy-ligoy pa Scott…kaya ako nandito para ipagtapat sa’yo ang lahat.”

“Anong lahat?”

“Ang mga nangyari, ang napagkasunduan namin ni Gillian bago ang aksidente…”

“Sige, makikinig ako.”

“Pero bago ‘yon, gusto ko munang malaman kung ano ba talaga ang damdamin mo para sa kanya?”

“Kung mahal mo si Gillian, sinisiguro ko sa’yo na hindi mo matutumbasan ang pagmamahal ko sa kanya.”

Tumayo si Alex at tumalikod sa binata.

“Ikaw ang pinili niya.”

Napatayo rin si Scott sa sinabi nito.

“Ako ang pinili niya?”

Tumango si Alex. Hinarap ito ni Scott at binigyan ng isang malakas na suntok. Hindi ­gumanti ang nagulat na si Alex.

“Para ‘yan sa hindi mo pagsabi agad ng katotohanan! Alam mo bang halos mamatay ako sa kakaisip kung dapat ko pa ba siyang ipaglaban gayong masaya na siya sa piling mo?”
“I’m sorry for that, but you have to understand na mahal ko rin siya.”

“Pero makasarili ang pagmamahal mo!”

“Kaya nga sinasabi ko na sa’yo ngayon ang totoo, dahil nakokonsensya ako, at ayoko na ­dumating kami sa punto na maalala ka na niya at sumbatan niya ko, at ayokong mangyari ‘yon sa panahon na hindi ko na siya kayang pakawalan.”

Nasapo ni Scott ang sariling ulo.

“Pupuntahan ko siya,” anito.

Sa mga sandaling iyon ay naglalakad sa ulanan si Gillian na tila wala sa sarili. Laman ng isip niya ang mga panaginip tungkol kay Scott. Pilit niyang inaalala ang mga sandali na kasama niya ito. Nang mapatapat siya sa ilalim ng isang malaking puno ay tila may bumabalik sa alaala niya kasama ito. Nasisilip din niya sa alaala niya ang mga lugar na pinupuntahan nila at ang mga ginagawa nila. Gayundin ang apartment nito na nagkaroon ng malaking bahagi­ sa masasaya nilang alaala…unti-unti ay ­lumilinaw sa kanya maging ang pagsigaw niya sa pangalan nito noong magkasama sila ni Alex sa itaas ng bundok.

Humalo ang luha ni Gillian sa tubig ng ulan na pumapatak sa pisngi niya.
Lakad-takbo naman si Scott sa pagsunod sa dalaga nang mamataan niya itong naglalakad sa ulanan.
“GILLIAN!”
Subalit tila walang naririnig na patuloy lang sa paghakbang ang dalaga.
“GILLIAN!” patuloy na tawag ni Scott.
“Scott?” bulong ng dalaga sa sarili.
“MY LOVE!”
Lilingon na sana si Gillian nang isang ­sasakyan na tila nawalan ng preno ang tumutumbok sa kinatatayuan niya. Nakita iyon ni Scott at mabilis na nahagip ng mga bisig niya ang ­beywang ng dalaga at sabay silang bumagsak­ sa ­sementadong sulok ng daan bago pa sumal­pok sa kanila ang kotse.
Hindi agad sila nakahuma sa mga pangyayari. Nagtama ang kanilang mga mata at ­saglit na nagkatitigan.
“S-Scott?”
“Gillian, kung hindi mo pa’ko maalala, ­hayaan mong ipaalala ko sa’yo ang lahat tungkol sa ating dalawa, bigyan mo lang ako ng pagkakataon…”
“Hindi na kailangan…”
“A-anong ibig mong sabihin?”
“Mahal ko…”
Dahan-dahang itinayo ni Scott ang dalaga nang hindi inaalis ang mga mata rito.
“Naaalala mo na’ko?”
“I’m sorry…I’m sorry kung nakalimutan kita…pero naaalala ko na ngayon…ikaw at ako…tayong dalawa…”
Mahigpit na niyakap ni Scott si Gillian. Pareho­ silang naiyak.
“Miss na miss na kita, Gillian, mahal na ­mahal kita…”
“Magsimula ulit tayo.”
“I promise you this, hinding-hindi na kita bibiguin, I will love you forever more than you could ever imagine…”
Naglapat ang kanilang mga labi. Sa gitna ng ulanan. Hindi alintana ang kotseng bumangga sa poste. (Wakas)