Una sa Balita

Meet Me Halfway

By
0 309

Ika-31 na labas

“Anong ibig mong sabihin?”

“Siguro mas mabuti kung sa kanya mismo manggagaling, meron lang akong gustong malaman kaya kita tinawag.”

“Ano ‘yon?”

“Mahal mo pa ba siya?”

“Hindi ako magsisinungaling sa’yo, Alex, kahit pa ikaw ang ipinalit niya sa akin, taas noo kong sasagutin ang tanong mo. Oo, mahal ko siya, mahal na mahal, baka mas higit pa nga sa pagmamahal mo sa kanya.”

“No, Scott, you don’t know how much I love her. Isa na lang ang gusto kong sabihin sa’yo. Stay beside her.” Pagkasabi niyon ay iniikot na ni Alex ang wheelchair niya patalikod kay Scott.

Napaisip si Scott sa sinabi ni Alex. Hindi ba dapat ang sinabi nito ay stay out of her? Bakit gusto nitong manatili siya sa tabi ni Gillian? May balak ba itong iwanan ang dalaga?

Masakit man sa loob ni Alex ay kailangan niya iyong gawin alang-alang kay Gillian. Pero sa tingin naman niya kahit hindi niya iyon ­ginawa ay mananatili pa rin si Scott sa tabi ng dalaga hanggang sa paggising nito. Isa na lang ang ­idinadalangin niya ngayon, ‘yon ay ang magising na si Gillian.

Samantala. Tila nasa loob ng isang panaginip si Gillian. Nakasuot siya ng mahabang gown na kulay puti. Sa pagitan ng makakapal na usok ay nakita niya si Alex na nakatalikod.

“Alex?”

Wala siyang nakuhang tugon kaya nilapitan niya ito.

“ALEX!”

Wala pa ring tugon. Nanatili itong nakatalikod sa kanya.

“ALEX! ALEX!” Paulit-ulit na tawag niya.

Related Posts

Nagsimulang maglakad palayo sa kanya ang binata.

“Alex, wait!”

Huminto ang binata at inilahad ang kamay sa kanya. Kumapit siya rito at sabay silang naglakad.

“Alex, bakit hindi mo agad ako pinansin?”

“Wala na tayong oras, Gillian, kailangan ­nating magmadali.”
“Magmadali? Para saan, may humahabol ba sa’tin?”

Hindi kumibo ang binata sa halip ay mahigpit niyang hinawakan ang kamay ng dalaga at unti-unti silang tumakbo. Tumakbo nang tumakbo hanggang sa makarating sila sa isang malawak na highway. Palinga-linga si Gillian subalit patuloy sila ni Alex sa pagtakbo.

“Alex, saan ba talaga tayo pupunta, pagod na’ko!”

“Malapit na tayo…sa kanya…”

Sa gitna ng highway huminto sila. Mula sa kinatatayuan nila ay natanaw nila si Scott. Nakatayo ito sa ‘di kalayuan at tila naghihintay sa kanilang pagdating.

Natigilan si Gillian. Naglipat ang tingin niya kina Alex at Scott.

Hinawakan ni Alex ang mga kamay niya at masuyong hinagkan.

“Paalam Gillian…”

Pagkatapos ay unti-unti na siyang binitawan ni Alex. Nagsimula siyang humakbang palapit kay Scott. Ganoon din si Scott. Nagsimula rin itong humakbang palapit kay Gillian. Habang papalapit sila sa isa’t isa ay pabilis naman nang pabilis ang pagtibok ng mga puso nila.

“Scott…”

“Gillian…”

Matapos ang ilang saglit na pagtitig sa isa’t isa ay agad silang nagyakap. Subalit sa pagyakap nila sa isa’t isa ay tila bulang naglaho si Scott sa paningin at pandama ng dalaga. (Itutuloy)