Una sa Balita

Meet Me Halfway

By
0 324

Ika-28 na labas

“May pupuntahan lang ako saglit ha, hintayin mo lang ako dito.”

“Teka, ayaw mo bang samahan kita?”

“No need.”

“Okay.”

Sa apartment sana pupunta si Gillian pero sa halip ay dinala siya ng mga paa niya sa ilog na madalas nilang puntahan noon ni Scott. Nagbago kasi ang isip niya dahil hindi niya alam kung anong dapat niyang sabihin sa una niyang pag-ibig. Manunumbat ba siya? Magtatanong? Magagalit? O yayakapin niya ito at sasabihing mahal pa rin niya ito? Hindi, hindi dapat.

“Gillian…”

Nagulat pa ang dalaga nang malingunan si Scott.

“A-anong ginagawa mo rito?”

“Papunta sana ko sa inyo eh, kaya lang nakita kong lumabas ka ng bahay kaya sinundan kita…”

Hindi umimik ang dalaga. Inalis nito ang tingin sa binata.

“I’m sorry… alam kong nasaktan kita, pero sana hayaan mo muna akong magpaliwanag…” si Scott.

“Sige, makikinig ako… ‘wag mo lang sanang sayangin ang oras ko kung kasinungalingan lang ang sasabihin mo.”

“Kilala mo ako Gillian, hindi pa ako nagsinu­ngaling sa’yo…”

Muling nanahimik ang dalaga kaya inumpisa­han na ni Scott ang pagpapaliwanag niya.

“Nu’ng araw na nawala ako, masakit na ­masakit ang ulo ko no’n, lumabas ako ng apartment para magpunta sa doctor, pero dahil sa nahihilo ako, hindi ko napansin ang isang kotse, nabangga ako…mula noon hindi ko na alam ang nangyari… na­gising na lang ako sa ibang ­bahay… malaki, mayaman ang nakatira… si Doktora ­Barbara…tuwang-tuwa siya nang magising ako, kasi sabi niya, ­na-coma raw ako… ako mismo hindi makapaniwala na nangyari sa’kin ‘yon… at halos mawalan na raw ng pag-asa maging si doktora na ­magigising pa’ko…pero nang magising ako, ang isa pang ­naging problema ay halos wala akong maalala… subalit sa kabila noon hindi kita nakalimutan at palagi kitang kinukuwento sa kanya… kaya pinagtiyagaan niyang alagaan ako, at itago pansamantala hangga’t hindi pa ako lubusang gumagaling, dahil natakot din siya, siya kasi ang nakasagasa sa’kin, kaya ginawa niya ang lahat para mabuhay ako at makabalik sa’yo. “

Hindi makapaniwala si Gillian.

Nagpatuloy sa pagkukuwento si Scott.

“Hindi ko alam na gano’n katagal akong ­naratay sa higaan na ‘yon… at nang tuluyan kong mabawi ang lakas ko, nagpasya akong bumalik dito… para lang muling harapin ang panibagong sakit, iyon ay ang pagkawala mo sa buhay ko… nasa ibang ­bansa ka na raw at masaya sa piling niya… pero hindi ako nawawalan ng pag-asa Gillian… nangako ako sa sarili ko na gagawin ko ang lahat para mabawi kita sa kanya…”

Walang masabi ang dalaga. Hinayaan lang ­niyang pumatak ang luha niya.

“Gillian, ang nakita mo kanina ay si Dra. Barbara. Dumaan lang siya para magpaalam dahil sa America na siya maninirahan. Hinintay lang talaga niyang maka-recover ako bago siya umalis.”

Nanghihina ang pakiramdam ni Gillian. Para siyang nauupos na kandila sa mga nalaman. Nila­pitan siya ni Scott at niyakap. Mga yakap na kaytagal niyang pinanabikan. Subalit ngayon, pakiramdam niya ay hindi na niya pag-aari ang mga yakap na iyon, na ang mga yakap niya ay nakalaan na kay Alex.

Sa kabila ng mga natuklasan ay sumama pa rin si Gillian kay Alex patungo sa probinsya nito. ­Subalit ang isip niya ay tila naiwan kay Scott. ­Labis ngayong naguguluhan ang puso niya kung anong dapat niyang maging pasya. Gusto niya muna sanang mapag-isa subalit nasa gitna siya ng sitwasyon na hindi niya magawang sirain.

Related Posts

“Gillian, are you okay?” tanong ni Alex nang nakasakay na sila sa bus at mapansin ang tila ­pagkabalisa ng girlfriend.

“O-oo, okay lang ako.”

Hinawakan ni Alex ang kamay ng dalaga.

“Alam ko na, siguro ninenerbiyos ka no, don’t worry, my parents are cool, mababait din ang mga relatives ko kaya sigurado akong magiging ­komportable ka agad sa kanila.”

Napangiti si Gillian.

“Hindi naman ako ninenerbiyos eh, kasi nandiyan ka.”

“Talaga ba?”

Tumango si Gillian.

Pinuntahan ni Riza si Scott.

“Anong balak mo, bakit mo ‘ko pinapunta?” naupo si Riza sa sofa.

“Desidido na’ko Riza. Hindi ko makakayang mabuhay ng wala si Gillian, samahan mo ako sa probinsya nina Alex, babawiin ko siya sa kanya.”

Napalunok si Riza.

“P-pwede bang hintayin na lang natin silang bumalik?”

Tumayo si Scott.

“Hindi na’ko makakapaghintay.”

“Scott kasi ano, baka kailangan muna ni Gillian na mag-isip…”

“Mag-isip habang kasama niya ang lalaking ‘yon?”

Humugot ng malalim na paghinga si Riza bago muling sumagot.

“Ang lalaking ‘yon na sinasabi mo, ay ang ­lalaki na tumulong kay Gillian para maghilom ang sugat na nalikha mo nu’ng mawala ka, siya ang pumawi sa lahat ng sakit na naramdaman ng kaibigan ko at sa wakas ay nakita ko siyang ­masaya ulit… kaya maski ako nalilito Scott, nalilito ako kung dapat ka pa nga bang bumalik sa buhay niya, kung tama nga ba na bawiin mo pa siya…”

Natigilan si Scott. Muli itong naupo sa sofa sa tabi ni Riza.

“Sinasabi mo bang kalimutan ko na lang si ­Gillian?” mahina at puno ng kalungkutan ang ­boses nito.

“Hindi naman sa gano’n, ang totoo, hindi ko naman talaga alam kung anong dapat mong gawin eh, siguro pag-isipan mo munang mabuti, saka ‘wag kang mag-alala kakausapin ko si ­Gillian. ­Kailangan muna kasi nating malaman kung sino sa inyo ni Alex ang mas matimbang ngayon sa puso niya.

Kasi kahit naman anong gawin mo, nasa ­kanya pa rin ang pagpapasya kung babalik ba siya sa’yo o hindi… at kapag nagpasya na siya…sana…tanggapin mo na lang…”

Hindi na umimik si Scott. Subalit buong-buo sa isip niya na ipaglalaban niya si Gillian. Nang muli silang magkita, naramdaman niya na mahal pa rin siya nito. Na nasa puso pa rin siya nito. Dahil kung wala na, hindi na niya makikita ang mga luhang ‘yon mula sa mga mata ng dating nobya. At hindi na niya mararamdaman ang pagtibok ng puso nito habang yakap niya.

Matapos ang mahabang biyahe, sa wakas ay ­nakarating din sina Alex at Gillian sa dulong ­bahagi ng probinsya. Matapos siya nitong ipakilala sa ­buong pamilya ay nagpasya silang umakyat sa bundok. (Itutuloy)