Una sa Balita

Meet Me Halfway

By
0 322

Ika-14 na labas

Tuwing rest day ay pinupuntahan niya ang mga lugar na madalas nilang puntahan ni Scott. Nagbabakasakaling matagpuan niya rito ang nobyo. Pero ang mga lugar na ito ay lalo lamang nagpapa­bigat sa kalooban niya.

Ang restaurant na paborito nilang kainan, ang pasyalan na madalas nilang tambayan, ay nakakapagpaalala kung gaano sila naging masaya sa piling ng isa’t isa, subalit kaakibat nito ang lungkot na bumabalot sa buo niyang pagkatao ngayon.

Walang gabi na hindi siya umiiyak. Niyayakap niya ang damit ni Scott sa pagtulog. Tinititigan niya ang mga larawan nito sa Facebook at sa frame na nasa ibabaw ng table.

Ang lahat ng mga gamit nito na nandoon ay walang sawa niyang tinititigan at inaalala ang mga naging bahagi nito sa buhay nila. Araw at gabi ­siyang naghihintay, walang segundo na hindi nito inokupa ang isipan niya.

Ni minsan ay hindi niya naisip sumuko.

Hanggang sa hindi na niya namalayan ang ­paglipas ng panahon. Isang taon na mula nang mawala si Scott.

“Anak, sigurado ka ba na payag ka na sa alok ng tita mo?” si Aling Rosa na hindi kumbinsido sa naging desisyon ng anak.

“Inang, may sarili naman pong bahay at negosyo si Tita Lira sa America, at nangako naman po siyang hindi niya ako pababayaan doon…”

“Handa ka bang manilbihan sa restaurant niya, gayung napamahal ka na sa trabaho mo dito sa ­electronics, lalo pa at visor ka na?”

“Pinag-isipan ko pong mabuti inang, at naka­pagdesisyon na po ako…”

Mula sa sofa na inuupuan ay tumayo si Gillian at namintana.

“Kunsabagay, kaysa naman nakikita kita na ­palaging ganyan… mas mabuti na sigurong ­mangibang bansa ka, baka sakaling makalimutan mo si Scott.”

“Inang, wala naman po akong planong kalimutan siya… mahal ko pa rin po siya… kaya lang po, hindi ko alam kung anong plano ni God sa aming dalawa…”

Tumayo rin si Aling Rosa at nilapitan ang anak.

“Kahit ano pa ang maging desisyon mo, kahit ano pa ang mangyari, mangyayari ang plano ni God para sa’yo.”

Yumakap si Gillian sa ina. Hindi niya maiwasan ang muling maiyak.

“Sige, umiyak ka pa, pero pagdating do’n magbagong buhay ka na ha, tama na ang iyak.”
Dahil sa paglayo ay lalong nawalan ng ­pag-asa si Gillian na makikita pa si Scott. Sa kabila nito, sisikapin niya na hindi maging unfair sa ­sarili. Isang taon na siyang umiiyak sa kakahintay sa nobyo, kaya ngayon ay paglalaanan naman niya ng oras ang sarili.

One week bago ang flight niya ay binisita siya ni Riza.

Related Posts

“Bff, talaga bang hindi ka na mapipigilan?”

“Sira ka talaga, pipigilan mo ba ko sa ­pag-asenso?”

“May point ka, syempre hindi, at mas lalong hindi kita pipigilan sa pag-move on!”
Hindi umimik si Gillian sa birong totoo ng ­kaibigan.

“Teka, buti pa timpla muna kita ng juice.”

Tumayo si Gillian mula sa sofa. Sinundan siya ni Riza. Habang nagtitimpla ay humalukipkip ito sa tabi niya.

“’Wag kang mag-alala Gillian, akong bahala kina inang at itang mo, dadalasan ko ang pag­dalaw ko rito.”

“Salamat bff, aasahan ko ‘yan sa’yo.”

“Sure ‘yan, wish ko sana matagpuan mo do’n ang tao na magpapagaling sa sugat sa puso mo.”

“Kailangan talaga may wish?” nakangiting ­tugon ni Gillian.

“Syempre naman. Saka, dalasan mo ang pag-online para naman hindi kita ma-miss masyado, Skype tayo lagi.”

“Okay, basta may libre akong oras, iyon ang gagawin ko.”

Iniabot ni Gillian ang juice sa kaibigan.

“Thanks.”

Excitement ang naramdaman ni Gillian nang magkaharap sila ng tiyahin na si Lira. Si Lira ang bunsong kapatid ng nanay niya at matagal na itong naninirahan sa America. Masyado itong naging workaholic kaya sa edad na 45 ay wala pa itong asawa.

“Tita!”

“Gillian, thank God you’re here, safe!”

Nagyakap ang magtiyahin bago pinatuloy ni Lira ang pamangkin sa loob ng may kalakihan din at konkreto niyang bahay.

“So, how’s your trip?”

“Okay naman po. Medyo nawindang ako sa ­biyahe pero keri naman.”

“We have a lot to talk about, but for now, let’s eat first.”

“Thank you tita, I’m hungry na po!” (Itutuloy)