Una sa Balita

Meet Me Halfway

By
0 309

Ika-13 na labas

“Nakuha ko na ‘yung address mula sa tita niya, siguro nga kailangan kong pumunta do’n… pero ako na lang bff, ayokong maabala ko pa pati trabaho mo… magli-leave na lang ako… babalitaan na lang kita…”

Abante Hiring – IT dep

“Sigurado ka, keri mo?”

“Oo naman, kaya ko to…”

“So, itong apartment paano ‘to?”

“Nakausap ko na ang may-ari, may 3 months advance daw dito si Scott kaya hindi nila gagalawin ang apartment, pero after 3 months at hindi pa rin siya bumabalik, mapipilitan silang paupahan ito sa iba.”

Hinagod ni Riza ang kaibigan sa likod.

“Sige bff, gawin mo na ang gusto mo, lahat ng pwede mong gawin para matagpuan mo siya, pero kapag napagod ka na, huminto ka na ha.”

Hindi na umimik si Gillian. Sa isip niya, hindi kailanman siya mapapagod sa paghahanap at paghihintay sa pagbabalik ni Scott.

Araw-araw siyang gumagawa ng mga notes hanggang sa mapuno ang door ng ref ni Scott kakadikit niya dito. Tuwing bago pumasok at kapag nakauwi na ay hinahagkan niya at niyayakap ang frame ng nobyo. Umaasang isang araw ay madaratnan niya ito sa apartment.

Hanggang sa maaprubahan na ang leave niya. Inihanda na niya ang sarili sa pagpunta sa probinsya ng Quezon kung saan nakatira ang mga magulang ni Scott.

Medyo nahirapan siya sa pagtunton dito dahil masyado ng liblib ang lugar at masukal ang daan. Pero sa wakas ay nakaharap din niya sa unang pagkakataon ang mga magulang ni Scott. Halatang nabigla ang mga ito sa hatid niyang balita.

Magkakatabi silang nakaupo sa upuang kawayan sa harap ng medyo may kalakihan ding bahay na yari sa sa matitibay na lumang kahoy.

“Alam mo… ano nga ulit ang pangalan mo?” ang nanay ni Scott.

“Gillian po.”

“Gillian, ang totoo niyan, sanay na kaming hindi namin nakakasama ang anak naming ‘yan, hindi siya naging malapit sa amin, pero kung totoo ang sinasabi mo, nakakapagtaka iyon, dahil kung ikaw ang nobya niya at wala naman kamo kayong hindi pinagkasunduan, imposibleng bigla na lang siyang maglaho na parang bula…”

Related Posts

“Iyon na nga rin po ang ipinagtataka ko eh…”

“Teka, napuntahan mo na ba ang mga tiyahin niya at mga pinsan niya?”

“Nakausap ko na po silang lahat sa Facebook. Pero wala po silang maibigay na sagot sa akin…”

“Alam mo kasi, mahirap talagang hanapin ang nagtatago.” Ang tatay ni Scott.

Biglang siniko ng matandang babae ang asawa.

“Ano ka ba naman Fred, sinasabi mo bang nagtatago lang ang anak mo?”

“Hindi sa gano’n, naisip ko lang naman.”

Hindi na pinansin ni Gillian ang pagtatalo ng mag-asawa. Sigurado siya sa sarili niya na hindi iyon gagawin sa kanya ni Scott. Mahal na mahal siya nito at nararamdaman niya iyon sa bawat sandaling magkasama sila. At ni katiting ay hindi pa siya nagselos sa ibang babae dahil laging sinisiguro ni Scott na sa kanya lang ito nakatingin.

“Ahm, ‘nay, ‘tay… hindi na rin po ako magtatagal, babalik na rin po ako sa Laguna. Kung may mabalitaan po kayo o malaman tungkol sa anak nyo, sana po maipaabot nyo sa’kin, mag-iiwan po ako ng cellphone number at address ko.”

“Oo, anak, sige.”

“Salamat po. Kahit po hindi maganda ang dahilan ng pagkikita natin ngayon, natutuwa pa rin po ako na nakilala ko kayo, nakilala ko ang mga magulang ng taong mahal ko.”

“Kami rin, patnubayan ka nawa ng Diyos sa iyong paghahanap, at sana mabalitaan mo rin kami.”

Anang matandang babae.

Bumalik si Gillian sa apartment na bigo pa rin sa paghahanap. Plano niyang manatili dito hanggang sa matapos ang 3 months na upa ni Scott.

“Sana bago matapos ang 3 months, nakabalik ka na dito mahal ko…” sa isip ni Gillian habang nakahiga sa kama ng nobyo.

Dahil naka-leave pa naman siya kaya sinamantala ni Gillian ang pagkakataon na mahanap si Scott sa mga paraang alam niya. Pina-print niya ang picture nito at ipinamigay sa lahat ng makitang tao sa daan. Maghapon niyang ginawa iyon. Nanawagan na rin siya sa radio at sa TV kahit pa nahihiya siyang gawin iyon ay nagawa niya dahil sa labis niyang pagmamahal sa binata.

Pero sa kabila ng paghihirap ng kalooban ay kailangan pa rin niyang ipagpatuloy ang buhay. Kailangan niyang gampanan ang bagong posisyong naiatas sa kanya bilang supervisor ng production line sa electronics company na pinapasukan niya. Kailangan niyang kumain, maligo at matulog.

Pero pagkatapos ng lahat ng iyon ay bumabalik siya sa kahungkagan. Ni hindi na niya magawang ngumiti man lang. Naging seryoso ang tingin niya sa lahat ng bagay. (Itutuloy)