Una sa Balita

McDonald’s pinagbayad ng P1.2M sa kinasuhang burger company

By
0 1,588

PINAGTIBAY ng Sup­reme Court (SC) ang desisyon ng mababang hukuman sa Makati City na pagbayarin ng P1.2 milyon na kabuuang halaga ng danyos ang higanteng fast food company chain na McDonald’s Corporation sa isang lokal na burger company.

Sa 13 pahinang desisyon ng SC First Division na isinulat ni Associate Justice Noel Tijam, kinatigan ng mga mahistrado ang petisyon ng L C Big Mak Burger Inc. na naunang inireklamo ng McDonald’s ng contempt.

Nag-ugat ang kaso sa infringement case na inihain ng McDo­nald’s laban sa L C Big Mak noong 1990 dahil sa paggamit nito ng pangalang ‘Big Mak’ sa negosyo na umano’y maaaring makapagbigay ng impresyon na konektado ang kompanya sa higanteng fast food chain.

Nanalo sa infringement case ang McDo­nald’s hanggang sa SC na nagpalabas ng desisyon noong Agosto 2004 pabor sa naunang pasya ng Makati Regio­nal Trial Court na nag-utos sa L C Big Mak na magbayad ng P400,000 at P100,000 actual at exemplary damages at P100,000 attorney’s fees.

Pero noong 2008, inireklamo ng contempt ng McDonald’s ang L C Big Mak dahil sa patuloy umano nitong paggamit sa salitang ‘Big Mak’ sa negosyo.

Pero sinabi ng SC na base sa mga ebidensiyang iprinisinta sa mababang hukuman, ang petitioner ay gumagamit na ng ‘Super Mak’ at L C Big Mak Burger Inc. sa operasyon ng kanilang negosyo, sa halip na ang salitang ‘Big Mak’ na partikular na ipinahinto ng korte.

Kumbinsido ang SC na tumalima ang kalabang kompanya ng McDonald’s sa desisyon sa infringement case kaya walang batayan para i-contempt ito.