Una sa Balita

McDaniels, KaTropa pipigain sa depensa

0 256

Mga laro ngayon: (Araneta Coliseum)

4:30pm — Phoenix vs. NorthPort

6:45pm — TNT vs. Meralco

ITATAYA ng TNT KaTropa ang malinis na 5-0 baraha laban sa 3-1 Meralco sa second game sa Smart Araneta Coliseum mamaya.

Kapag dumiretso sa anim na sunod na panalo ang KaTropa, mamumuro na sila sa quarterfinals at lalakas ang tsansa sa top two na twice-to-beat sa playoffs.

Sakaling makalusot ang Bolts, lalakas ang kapit sa top 4 at aakbayan sa third ang NLEX (4-1). Kagabi ay nakikipagbuno pa sa San Miguel (3-0) ang Magnolia na kabuhol ng Meralco sa 4th-5th.

Pagkatapos ng 103-100 win sa NorthPort noong Miyerkoles, sinabi ni TNT coach Bong Ravena na nag-improve ang kanilang depensa pero kailangan pang pag-igihan lalo sa dulo.

Nakaligtas ang KaTropa sa timely baskets ni Troy Rosario sa endgame, isang step-back 3 na nagtulak sa team sa unahan 101-100, 67 seconds na lang, bago sinelyuhan ng dalawang free throws ang panalo sa final second.

Walang problema ang TNT sa opensa na bulto ay nanggagaling kay KJ McDaniels, suportado nina Rosario, RR Pogoy, Jayson Castro at Don Trollano.

“We just have to continue working hard especially on defense,” ani Ravena.

Dinagdag ng coach na parating na ang mga matitinding laro ng TNT, kailangang matuto na silang dumipensa sa dulo. Pagkatapos ng Bolts mamaya, isa-isang linggo ang pagitan ng laro ng KaTropa – Alaska (Oct. 18), NLEX (Oct. 25) bago Ginebra (Nov. 8).

Kinubra ng Meralco ang back-to-back wins nang itumba ang Phoenix 111-94 noong Oct. 6.

Si Baser Amer ang nangunguna sa atake ng Bolts, maganda rin ang suporta ni Chris Newsome kay Allen Durham. (VE)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy