Una sa Balita

Mayroon bang pambansang panlasa?

0 461

Sa pagkakaalala ko, may isang teksbuk na nagsabi na ang pambansang pagkain daw sa Pilipinas ay lechon. Sa unang tingin tila sasang-ayon ang lahat subalit nagalit ang mga Moro, bawal silang kumain ng baboy. Sila daw ba ay hindi na Pilipino? Mayroon bang maituturing na pambansang panlasa? O pambansang pagkain? Adobo ba, sinigang o kinilaw?

Sa larangan ng kasaysayan, mayroong mga culinary historians or food historians na pinag-aaralan ang kasaysayan at epekto ng mga pagkain sa ating lipunan. Isa na rito si Ige Ramos at kalalabas lamang ng kanyang bagong aklat na “Lasa ng Republika, Dila at Bandila: Ang Paghahanap sa Pambansang Panlasa ng ­Filipinas.”

Kakaiba ang aklat ni Ramos sapagkat sa matagal na panahon ang food history sa Pilipinas ay isinusulat sa Ingles, liban na lamang sa “Kasaysa­yan ng Kaluto ng Bayan” ni Milagros Enriquez na patungkol sa pagkain ng ating mga bayani. Sa ganito niya binuksan ang diskurso sa pagsasabing tulad sa mga antas sa lipunan, nangyari din sa ating pagkain ang sinasabi ni Zeus Salazar na Dambuhalang Pagkakahating Pangkalinangan. Dahil sa epekto ng ko­lonyalismo, nagkaroon ng pagkaing elitista na kanliranin at pagkaing katutubo o isinakatutubo. Ginawa niyang halimbawa ang Pilipinong spaghetti.

Nagsimula itong dala ng mga Amerikano (na ginaya sa mga Italyano), ang mga sangkap nito ay mula sa ibang bansa kaya itinu­ring na “marangyang” pagkain.

Ngunit, ayon kay Ramos, subersibo ang bayan, gumawa siya ng spaghetti na mula sa mga abot-kayang sangkap, nilagyan ng asukal at gumawa ng spaghetti na matamis kaiba sa Ita­lian Spaghetti na gusto ng mga high class (kakakain ko lamang ngayon ng pinakamasarap na sweet spaghetti na gawa ng aking nanay dahil kaa­rawan ngayon ng Daddy Charles ko). Kapag may binabanggit na pagkain sa Ramos, naglalakip siya ng resipe. Aba history book na, cookbook pa! Tunay na “danas” ang aklat ni Ramos.

Ayon kay Ramos, may “kapookan,” sa Pranses “terroir,” ang pagkain, bunga ng ­kanyang ­kasaysayan, ­kalinangan at ­kapaligiran. Kaya mahirap matunton ang Pambansang Panlasa ­sapagkat ang bawat rehiyon sa Pilipinas ay may kanya-kanyang ­terroir. Kaya hindi ­adobo, sinigang o kinilaw ang maaaring maging pambansang pagkain ­dahil kaila­ngan kilalanin muna ang ­lokal na ­pagkakaluto ng bawat pagkain. Ang dilang Pilipino, sa kasamaang palad, ayon kay Ramos ay hindi naayon (maikakahon) sa iisang pambansang kamalayan. Dahil bago sila Pilipino, sila muna ay Tagalog, Ilocano, Cebuano, Bisaya, Bicolano at Kapampangan.

Ngunit kung nais daw talagang maabot ang awtentikong lutuing Pilipino, kailangang balikan ang pagkain ng ating mga ninunong Austronesyano (Proto-Philippine Cuisine) na walang kolonyal na impluwensya at ang sangkap ay tinanim nila: gabi, niyog, halamang dagat, talbos at pagiihaw at pagkain ng hilaw na isda. Kung hindi, kailangan nating tanggapin na kung ano ngayon ang pagkaing Pilipino ay produkto ng kasaysayan at ng paghahalo ng kultura natin at ng mga banyaga.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy