Una sa Balita

Mayor tinabla ng DOH: Quarantine tuloy sa ‘kaldero’ ni Cayetano

0 344

IBINASURA ng Department of Health (DOH) ang panawagan ni Capas, Tarlac Mayor Reynaldo Catacutan na maghanap ang gobyerno ng ibang lugar para maging quarantine area ng mga Pilipinong uuwi mula sa Japan na may banta ng coronavirus disease 2019 o CO­VID-19.

Sa harap ito ng pa­ngamba ng alkalde na baka malagay sa pa­nganib ang kanyang mga kababayan sa Capas dahil mas marami ang iuuwing Pinoy na nauna nang na-quarantine sa Japan.

Sa Laging Handa press briefing sa Malacañang, sinabi ni Health Assistant Secretary Maria Rosario Vergiere na hindi nila mapagbibigyan ang kahilingan ni Mayor Catacutan dahil baka lamang maikalat sa ibang lugar ang virus.

“We deemed it wise not to accede to the request because it is not really rational at this point, because we are going to bringing home our kababayans co­ming from a ship which is highly infected. So distributing our kababa­yans into different sites or different facilities would increase the risk of us for further possible transmission of the disease,” ani Vergiere.

Ang mga Pilipinong iuuwi mula sa Japan ay crew ng M/V Diamond Princess cruise ship na nakitaan ng sintomas ng coronavirus kaya lahat ng sakay ng barko, kasama ang mga pasahero ay inilagay sa quarantine sa Yokohama, Japan.

Sinabi ni Vergiere na napagpasyahan ng Inter-agency on Emerging Infectious Diseases na isang lugar lamang ang gagamitin para sa mga iuuwing Pilipino mula sa Japan para matutukan ang pag-asikaso sa mga ito.

Ikinukunsidera ani­ya ng DOH na highly critical and kaso ng mga iuuwing Pinoy mula sa Japan at nais makatiyak ng gobyerno na mailatag ang lahat ng mga hakbang para mapigilan ang pagkalat ng impeksiyon sa publiko.

Ang Athlete’s Village sa New Clark City sa Capas, Tarlac unang inilagay sa quarantine ang mga Pilipinong inuwi mula sa Wuhan City, China. Ang nasabing pasilidad ay pinagawa ng bata ni House Speaker Alan Peter Cayetano para sa nakaraang Southeast Asian Games kung saan naging kontrobersyal ito dahil sa napakamahal na sports cauldron o ‘kaldero’. (Aileen Taliping)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More