Una sa Balita

Mayor Tiangco nakatanggap ng Seal of Good Education Governance

0 66

Nakatanggap ang Navotas ng Seal of Good Education Governance (SGEG) mula sa Synergeia Foundation para sa pagsisikap nitong ma­bigyan ng de-kalidad na edukasyon ang mga mamamayan nito.

Tinanggap ni Mayor John Rey Tiangco, kasama sina Navotas Schools Division Superintendent Meliton Zurbano at Sanggunian Panlungsod Education Committee Chairperson Arnel Lupisan, ang parangal sa 12th National Education Summit sa PICC.

“Nagpapasalamat tayo sa lahat — mga guro, magulang, ­local school board, mga school governing councils at lahat ng education stakeholders — sa kanilang taos-pusong suporta para makapagbigay tayo ng de-kalidad at holistikong pagkatuto sa ating mga kabataan,” ani Tiangco.

“Nawa’y maging inspirasyon natin ang parangal na ito para ipagpatuloy ang ating adbokasiya na ibigay sa ating mga kabataan ang pinakamagandang edukasyon na nararapat sa kanila,” dagdag niya.

Sa isang panel discussion, sinabi ni Tiangco kung paano nakatutulong ang edukasyon sa paglutas sa mga isyu sa lipunan tulad ng wastong pagtatapon ng basura, traffic, krimen, at iba pa.

“Sa pamamagitan ng edukasyon, natuturuan natin ang ating mga kabataan ng magagandang values. Nahuhubog natin sa kanila ang pagpapahalaga sa sarili, pamilya at bayan,” aniya.

“Inaasahan natin na dahil sa kanilang mga natutunan, lalaki silang mga responsableng mamamayan na tutulong para mapanati­ling malinis, payapa at maunlad ang ating komunidad,” saad pa niya.

Ang pamahalaang lungsod ay may fee­ding program na nagtitiyak na hindi gutom ang mga batang papasok sa paaralan.
Taon-taon ay namimigay rin ito ng Balik Eskwela Bags and School Supplies sa mga mag-aaral ng kinder at Grade 1.

Kabilang din sa mga programa ng pamahalaang lungsod ang Youth and Kids Ministry na nagsusulong ng values formation sa mga estudyante. Nag-iikot din ang opisyal na mascot ng Navotas na si Avot John para magturo ng mabu­buting asal sa mga bata.

Isa rin sa progra­mang pang-edukasyon ng Navotas ang mga scho­larship na ibinibigay sa mga mag-aaral na maga­ling sa academics, sports at arts.