Una sa Balita

Mayor Sara top 4 na!

By
0 2,290

MAITUTURING na ‘biggest gainer’ si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio sa pinakahuling survey ng Pulse Asia para sa 2019 senatorial elections.

Batay sa survey na isinagawa noong Hulyo­ 15-21 at inilabas ang resulta kahapon, pumasok na sa top 5 at tumalon sa ikaapat na puwesto ang alkalde mula sa dating ikaanim na slot sa survey noong Abril.

May 1,200 respondent ang survey ng Pulse Asia at nakakuha si Mayor Sara ng 46.2 porsiyento ng boto.

Limampu’t walong pangalan ang pinagpi­lian ng mga respondent kabilang dito ang mga reeleksiyonistang senador, mga dating mam­babatas at iba pang personalidad mula sa larangan ng politika, showbiz at media.

Bagama’t nangu­nguna pa rin sa Pulse Asia survey ang reeleksiyonistang si Senador Grace Poe na may 99 porsiyento ng ‘awareness’ sa publiko at nakakuha ng 67.4 porsiyento ng boto mula sa mga respondent ay masasabing si Mayor Sara ang ‘biggest gai­ner’ dahil sa malaking pagbabago sa puwesto nito.

Hindi rin lingid sa kaalaman ng publiko na ilang beses nang inihayag ni Mayor Sara na wala siyang planong tumakbo sa mas mataas na posisyon sa gobyerno katulad ng Senado.

Kung kaya malaking sorpresa na sa kabila ng kanyang mga pagtanggi sa ambisyong maging senador ay pa­tuloy ang pag-angat ng alkalde sa 2019 senatorial elections survey.

Pumangalawa kay Poe ang dating senador at ngayo’y Taguig City Rep. Pia Cayetano na may nakuhang 97 percent awareness at 55.7 porsiyento ang gustong bumoto sa kanya.

Pangatlo ang reeleksiyonista rin na si Senador Cynthia Villar na may 50.1 porsiyento ng mga gustong bumoto sa kanya at sinundan naman ni Mayor Sara sa pang-apat na puwesto.

Kabilang pa sa ‘Magic 12’ sina Senador Sonny Angara, Bureau of Corrections (BuCor) chief Ronald ‘Bato’ dela Rosa, Senador Aquilino ‘Koko’ Pimentel III, Nancy Binay, Joseph Victor ‘JV’ Ejercito at Bam Aquino; at ang mga dating senador na sina Sergio ‘Serge’ Osmeña at Lito Lapid.