Una sa Balita

Mayor Sara lagare sa PMP, PRP

By
0 328

NAKATAKDANG makipag-alyansa ang Hugpong ng Pagbabago (HP) sa People’s Reform Party (PRP) at Partido ng Masang Pilipino (PMP) ni Manila Mayor Joseph Estrada.

Nabatid na alas-siyete ng umaga sa San Andres Sports Complex idaraos ang paglagda sa alliance agreement sa PMP na dadaluhan nina Davao Mayor Sara Duterte-Carpio at Estrada.

Kasunod nito ay magtutungo sa Casa Roces sa San Miguel, Maynila si Sara para sa paglalagda naman ng alliance agreement sa pagitan ng PRP.

“We agreed to work on the candidacy of Sen. ­Harry Roque,” ayon kay Inday Sara.

Si Roque na dating spokesperson ni Pangulong Rodrigo Duterte ay tatakbong senador sa ilalim ng partido ni dating Senador Miriam Defensor-Santiago.

Makikipag-alyansa ang HP sa PRP at PMP para suportahan ang adbokasiya ng bawat isa.

Samantala, sinabi ng Manila Police District (MPD) na magpapatupad ng road closure at traffic rerouting sa pamamagitan ng Traffic Enforcement Unit sa aktibidad ng HP at PMP.

Alas-singko ng umaga ay isasara na ang San ­Andres St. hanggang LM Guerrero St. sa Malate; Leveriza St. mula Aquino hanggang San Andres St., Malate.

Habang magkakaroon ng rerouting ng mga sasakyan kung saan lahat ng manggagaling sa Roxas Blvd. na dadaan ng San Andres ay dapat kumanan sa Adriatico papunta sa destinasyon.

Ang mga sasakyan naman na manggagaling sa Taft Avenue at dadaan sa San Andres St. ay dapat kumanan sa LM Guerrero St. papunta sa destinasyon.

Ang mga dadaan naman sa Leveriza Street papuntang San Andres St. ay dapat na kumaliwa o kumanan sa Quirino Ave. papunta sa destinasyon.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy