Una sa Balita

Mayor Sara atras sa Senado

Mag-eendorso na lang ng mga kandidato

By
0 848

MULING pinawi ni Davao City Mayor Sara Duterte ang mga ispekulasyon na tatakbo ito sa pagka-senador sa 2019 midterm elections.

Sa halip ay mag-eendorso na lamang ang alkalde ng mga napipisil niyang kandidato para sa halalan sa susunod na taon.

Sa oath taking ng mga bagong halal na barangay captain sa Davao Oriental noong Linggo, sinabi ni Mayor Sara na ayaw niyang tumakbo sa pagka-senador dahil mas gusto nitong manatili sa Davao.

Gusto aniya nitong palakasin ang Davao region para kapag natapos ang termino ni Pa­ngulong Rodrigo Duterte ay magiging masaya ang mga Dabawenyo.

“Dili ko gusto modagan­ as senator (I do not want to run for senator), want to stay in Davao. For now, I just want to make the Davao Region strong so that, when the term of President (Rodrig­o) Duterte ends, Dabawen­yos will be very happy,” pahayag ng alkalde.

Sa nasabing okasyon ay inendorso ni Mayor Sara ang apat na mga personalidad at hiningi ang suporta ng mga barangay captain para sa kandidatura ng mga ito.

Kabilang sa mga inen­dorso ng alkalde sina Ilocos Norte Go­vernor Imee Marcos, Ma­guindanao Congressman Zajid Ma­ngudadatu, dating Phi­lippine National Police Chief Ro­nald ‘Bato’ dela Rosa at Special Assistant to the President Bong Go.

Kasama ring inendorso ni Mayor Sara ang reeleksiyonistang si Senadora Cynthia Villar para sa kanyang pa­ngalawang termino.

Si Mayor Sara ang chairman ng Hugpong ng Pagbabago na naunang inintriga ni House Speaker Pantaleon Alvarez.