Una sa Balita

Mayor Abby sa mga drug dealer, wala kayong puwang sa Makati!

0 335

Dedma kay Makati City Mar-Len Abigail Binay-Campos ang kitang ibibigay ng mga restaurant, bar at mga kaugnay nitong establisimyento kung gagawin naman nilang pugad ng iligal na droga ang lungsod.

Sinabi ni Binay na balewala sa kanya ang ibabayad na buwis ng mga operator at may-ari ng mga ganitong negosyo kung perwisyo naman ang idudulot ng mga ito sa kanilang siyudad, lalo na sa mga lehitimong residente.

Aniya, umaasa siya na una at huling pagkakataon na ang nangyaring insidente sa Time Bar sa Makati Avenue noong Agosto 11 kung saan ay 31 katao ang nahuli sa paggamit ng iligal na droga. Natuklasan na dalawa lang sa mga ito ang resi­dente ng lungsod habang ang iba ay taga-Pasay, Quezon City, Las Piñas, Parañaque, Caloocan, Pasig, Maynila at lalawigan ng Cavite at Rizal.

Pursigido si Binay na panagutin ang mga may-ari ng Time Bar kahit na sino pa umano ang mga ito.
“Kailangan may masampulan para madala sila. Kung gusto nilang kumita sa maling paraan, huwag sa amin sa Makati dahil tiyak na may paglalagyan sila,” ayon pa sa alkalde.

Nagbabala pa si Binay na hindi uso ang areglo sa kanilang lungsod lalo na kung lantarang binabastos at nilalabag ang kanilang mga batas.

“Do not make the mistake of making a mockery of the law in our city. For us, there is no room for compromise particularly when it comes to illegal drugs,” diin pa ni Binay.

Nakumpiska sa nasabing bar ang 18 piraso ng heat-sealed plastic sachet ng hinihinalang cocaine; 15 capsule at apat na tablet ng hinihinalang ecstasy; isang maliit na vacuum­-sealed Kush; tatlong tablet ng mga hinihinalang party drugs; at P22,500 halaga ng buy-bust money na ginamit sa operasyon.

 Nakakuha rin ang pulisya ng caliber .38 revolver na may limang round ng bala at mga drug paraphernalia kabilang ang aluminium foil tooters at foil strips, improvised glass too­ter, at mga lighter.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy