Una sa Balita

Mayo 15: Pista ni San Isidro Labrador!

0 245

Fr. Richard Bolaton, STL

Ipinagdiriwang sa buong bansa ang kapistahan ni San Isidro Labrador, ang ‘Pinatakasi ng mga Magsasaka’ kasabay ng maraming lugar sa buong daigdig na kamikilala sa kadakilaan ng simpleng obrero ng Madrid, Spain.

Si San Isidro at kanyang asawa na si Maria dela Cabeza ay kapwa kinilalang mga santo ng Simbahan dahil sa kanilang dedikasyon sa simpleng trabaho at katapatan bilang nangungupahan ng bukid.

Napakaraming naitalang milagro ng mag-asawang arendador, makapangyarihan at mabisa ang kanilang pamamagitan ayon sa mga deboto. Halos buong buhay ni San Isidro ay maituturing na isang walang patid na pagpapamalas ng himala.
Ayon sa Simbahan, kung tatanggalin ang “hiwaga” tungkol kay Isidro, magnining­ning pa rin ang ipinakita nitong malalim na tiwala sa Diyos at malasakit sa kapwa.

Bilang simpleng magsasaka at katiwala ng mayamang asyendero maaga siyang gumigi­sing upang magsimba katulad ng marami sa ating mga namamasukan at naghahanap-buhay. Araw-araw siyang bumabangon sa takdang oras upang ihandog ang gawain sa Diyos. Kasama ng kanyang maybahay sinisimulan ni Isidro ang bawat umaga sa pag-aalay ng lahat ng bagay sa Panginoon.

Habang nag-aararo sa ilalim ng init ng araw, nagdarasal si Isidro ayon sa mga nakakita sa kanya. Kuwento ng kanyang mga kabitbahay na may mga anghel silang natanaw na kasama nito sa pagbubungkal ng lupa- dahilan kung bakit mahiwagang nakakagawa ang ulirang magsasaka nang higit sa kanyang mga kasamahang trabahador.

Kalakip ng bawat dausdos ng kanyang araro at paghahasik ng binhi ang simpleng bulong at dasal para sa ibang tao. Sa ganitong paraan pinabanal ng dakilang upahan ang bawat kilos at galaw. Puna ng Simbahan, dahil sa walang patid na pag-aalay at pagsuko ni San Isidro sa bawat tulong ng Maykapal, lahat ng kanyang gawain ay maituturing na tunay na pinagpala!

Nang pumanaw ang tanyag na magsasaka, lahat ng katrabaho at kakilala niya ay nagsimula nang magdasal at ituring si Isidro bilang isang ‘santo.’
Apatnapung taon, matapos itong pumanaw, pinahukay ng lokal na Simbahan ang kanyang mga labí at nakitang buumbuo pa at ‘di naagnas ang kanyang katawan. Gayunman, limang daang taon pa ang lumipas bago opisyal na kinilala bilang pintakasi ng Simbahan si Isidro.

Maging ang mga hari ng Spain pababa sa pinakamababang mga obrero ng bansa ay naniwalang nabiyayaan sila ng isa na namang banal na tagapamagitan sa langit. (Usung-uso noong Middle Ages ang ‘informal canonizations by popular acclaim’ katulad sa kaso ni Isidro). Taong 1615 nang himalang gumaling si King Philip III sa malubhang karamdaman dahil kay San Isidro. Ito ang naging daan sa pormal na canoni­zation ng ‘People’s Saint.’

Ang debosyon kay San Isidro at Sta. Maria dela Cabeza ay mabilis lumaganap at nakara­ting sa Pilipinas. Sa Estados Unidos, hinihikayat ng U.S. National Catholic Rural Life Conference ang pamimintuho sa banal na mag-asawa at taun-taon nagbibigay ito ng parangal sa mga pamilyang nagpakita ng kahanga-hangang halimbawa at pananampalataya. Sa Pilipinas, si San Isidro ang Patron ng Kagawarang Pang-agrikultura.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy