Una sa Balita

Maynilad pinagbabayad sa ‘milk tea’ tubig

0 261

INATASAN ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) ang Maynilad na pag-aari ng DMCI at ng binatang negosyanteng si Manny V. Pa­ngilinan, na bayaran ang mga customer na nakakatanggap ng kulay putik na tubig.

Pinadalhan na ng liham ng MWSS ang Maynilad at may 15 araw sila para sumagot kung paano mababayaran ang custo­mer sa natanggap na malabong tubig na ayon sa mga netizen ay parang ‘milk tea.’

Sinabi ni MWSS chief regulator Patrick Ty na nakausap na rin niya ang Maynilad kung paano aayusin ang problemang ito.

“In-explain ko sa kanila na kailangang ayusin nila ‘yung si­tuation, mag-isip sila kung paano ang compensation sa publiko. Ang binabayaran pong tubig ay potable water, eh kapag marumi, bakit niyo ipapabayad sa kanila?” diin ni Ty.

“Wala sa concession agreement ‘yan pero nasa civil code ‘yan,” dagdag pa niya.

Nagpaliwanag na ang Maynilad na ang malabong tubig ay posibleng dulot ng dumi sa mga tubo. Inabisuhan naman nila ang publiko na huwag itong iinumin kundi gamitin lamang na pambuhos ng inidoro.

Kahapon ay sinabuyan naman ng maruruming tubig na may halong kalawang ng mga consumer at militanteng grupo ang tanggapan ng Maynilad sa Arroceros, Maynila.

Ala-una nang hapon nang lusubin ng militanteng grupo na Bayan Manila, kasama ang ilang mga consumer ang Maynilad office at sa matinding galit ay pinagbabato ang tanggapan ng kulay kalawang na tubig na luma­labas sa kanilang gripo.

Kasabay nito, hinamon ni Mona Reyes, spokesperson ng Bayan Manila na inumin ng Maynilad ang maruming tubig na kulay kalawang na lumalabas sa kanilang mga gripo.

Kinondena rin nila ang pagkawalan ng tubig tuwing hapon at gabi, at kung magkakaroon man ay halos kulay kanal na ang kulay nito.

“Sa kabila ng mga pag-ulan, sinasabi pa rin ng Maynilad na hindi sapat ang suplay ng tubig kaya patuloy pa rin ang water interruptions,” pahayag ni Reyes sa ginanap na State of Manila Address (SOMA) na ginawa nila sa Bonifacio Shrine.

“Hamon sa administrasyon sa kasalukuyan na tugunan ang mga batayang pangangailangan ng mga mamamayan partikular na ang problema sa suplay ng tubig,” dagdag pa ni Reyes. (Juliet de Loza-Cudia)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy