Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Maynilad P63.9M multa sa kapalpakan

0 140

Aabot sa P63.9 milyon ang ipapataw na multa ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) sa mahigit tatlong buwan na perhuwisyong dinanas ng mga kustomer ng Maynilad Water Services Inc. sa Parañaque, Las Piñas, Muntinlupa, Pasay City at ilan pang bayan sa Cavite.

Inimbestigahan ng MWSS Regulatory Office noong Enero ang Maynilad dahil sa dami ng reklamo laban sa kompanya ng kanilang mga kustomer.

Inalam sa imbestigayon kung may basehan ba para ideklarang nabigo ang Maynilad na tuparin ang mga obligasyon nito sa kanilang mga kustomer mula Disyembre 2021 hanggang Pebrero 2022, at parusahan kung mapatunayang pumalpak sa service obligations.

Nagdesisyon ang MWSS-Regulatory Office noong Pebrero na pagmultahin ang Maynilad dahil sa kakaiba at mahabang water service interruptions nito mula Disyembre 2021 hanggang Pebrero 2022 dahil sa palpak ang Putatan Water Treatment Plant.

Sabi ni MWSS chief regulator Patrick Lester Ty: “The MWSS RO through RO Resolution No. 2022-02-CA, resolved to impose a financial penalty amounting to SIXTY-THREE MILLION NINE HUNDRED SEVENTY-THREE THOUSAND THREE HUNDRED SIXTY-TWO PESOS (PHP63,973,362.00) on Maynilad Water Services Inc. (Maynilad), for its unusual and prolonged WSIs from December 2021 to February 2022, attributable to the failure of its Putatan Water Treatment Plants (PWTP).”

Ayon kay Ty, nalagay sa alanganin ang kalusugan at kapakanan ng mga kustomer ng Maynilad dahil 15 araw o mahigit pa sila nakaranas ng mga water service interruption samantalang 24 oras dapat ang rasyon ng tubig na may pressure na 7 pounds per square inch kaya’t dapat lamang parusahan ito.

Dagdag pa ng MWSS-RO, ang multa sa Maynilad ay sa pamamagitan ng bill rebate sa mga kustomer na makikita sa kanilang April bill. Magsasagawa ng information drive ang MWSS-RO sa Miyerkoles tungkol dito. (Eileen Mencias)

Leave A Reply

Your email address will not be published.