Una sa Balita

Maynilad inupakan sa taas-singil

By , ,
0 40

Sinalubong ng negatibong reaksyon ng ilang mambabatas ang anunsyo ng Maynilad Water Services Inc. (MWSI) na magpapatupad ito ng taas-singil sa tubig sa kanilang mga consu­mer sa West Zone si­mula sa Enero 1, 2018.

Kompyutasyon ng Maynilad sa ipatutupad nilang taas-singil sa tubig batay sa anunsyo sa website ng kompanya.
Kompyutasyon ng Maynilad sa ipatutupad nilang taas-singil sa tubig batay sa anunsyo sa website ng kompanya.

Sa advisory ng Maynilad, aabot sa P0.92 per cubic ­meter ang average basic rate adjustment na katumbas umano ng 2.80% ng P34.42 per cubic meter average Basic Charge noong 2017, na resulta ng Consumer Price Index Adjustment.

Abante Hiring – IT dep

“The MWSS also granted Maynilad a Foreign Currency Differential Adjustment (FCDA) equivalent to 0.60% as applied to the newly approved 2018 Average Basic Charge of P35.48/cu.m., beginning 1st quarter of 2018,” paliwanag pa ng Maynilad sa kanilang advisory.

Binigyang-diin pa ng kompanya na ang FCDA ay isang tariff mechanism na ibinibigay sa mga utility company upang marekober ang kanilang pagkalugi na resulta ng paggalaw ng halaga ng piso ­kontra dolyar.

Kaugnay nito, nagpahayag ng pagkabahala si Senador Jose Victor ‘JV’ Ejercito sa napipintong pagtaas ng singil ng Maynilad.

Ayon sa senador, hindi pa man nararamdaman ang epekto ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) ay nagsisi­mula na ang pagtaas ng bayarin sa mga pangunahing serbisyo. 

Dapat pa rin ­anyang pangambahan ang kalalabasan ng TRAIN sa sandaling tuluyan na itong malagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte. 

“I am really ­worried about inflationary ­effect of TRAIN, now that water rates will likewise increase,” pahayag ni Ejercito sa Abante.

Una nang inamin ng senador na muntik na siyang bumoto laban sa pagpapatibay ng TRAIN dahil sa magiging epekto nito sa taumbayan. 

“I hope I am wrong,” giit pa ni Ejercito.

Binatikos din ni ACT-Teachers Party-list Rep. France Castro ang taas-singil sa tubig ng Maynilad pagpasok ng bagong taon na dagdag-pasanin aniya sa bawat pamilyang Filipino.

Katulad ng sinabi ni Ejercito, himutok din ng kongresista na hindi pa napapakinabangan ang ibinibidang income tax exemption ng mga minimum wage earner sa ilalim ng TRAIN ay paghamig na ang puntirya ng Maynilad sa kanilang consumers.

“Tiyak na makaka­apekto na naman ito sa gastusin ng mga pamil­ya. Hindi pa nga nararamdaman ang epekto ng exemption sa tax ng lower middle class, may nakaamba nang dagdag-gastusin,” ayon kay Castro.

“Surely mag-o-oppose kami dito at maghahain ng (reso­lusyon para magkaroon ng) House inquiry. Need ng Maynilad i-justify ang increase,” ayon kay Castro.

Ang Maynilad ay pag-aari ng DMCI-MPIC Water Company, isang joint venture sa pagitan ng Metro Pacific Investments Corporation (MPIC) ni Manny V. Pangi­linan at DMCI Holdings Inc. (DMCI) ni Isidro Consunji.

Umaabot sa 83.96% ng shares ng Maynilad ang kanilang pag-aari subalit noong 2013, nakisosyo ang Marubeni Corporation ng Japan nang bilhin ang 20% shares ng DMCI-MPIC ­Water Company.