Una sa Balita

Maybahay

By ,
0 447

Dahil may hangover pa ng Va­lentine’s Day ang iba sa inyo, susulat ako ng tungkol pa rin sa mas matagalang pag-ibig.

Iyong hindi lang temporal, hindi iyong pang-short time na may malaking tsansang pinagmulan ng salitang syota, short time. Hindi syota ang ‘maybahay’.

Binabaybay o inii-spell na kadikit ang ‘may’ sa bahay, maybahay. Karaniwang pinapatungkulan ng maybahay ang ilaw ng tahanan, ang misis. Pero gender neutral naman talaga dapat ang maybahay.

Kung sino ang may-ari, o nangungapahan kung apartment, kung sino ang namamahala ng isang bahay anumang uri o katayuan ng bahay na ito, siya ang maybahay.

Tuwing Kapasakuhan, madalas nating marinig ang salita, “Sa maybahay, ang aming bati, merry Christmas na maluwalhati…”

Nagiging isang salita imbes na katagang ‘may bahay’. Sa Ingles, there’s a house ang ‘may bahay.’ Ang isang salitang ‘maybahay’, master of the house.

At dahil nga katatapos lang ng lubos na magastos at lubos na pinag-uusapang Valentine’s Day noong Huwebes (paumanhin sa mga nagdiwang—at gumastos—alam ko namang sulit ang lahat ng gastos kapag sa pagmamahal at minamahal inubos), gusto ko lang bigyang diin ang importansya ng ‘maybahay’ sa anumang pangmatagalan o, dahil romantiko, pang-forever o panghabampanahong relasyon.

Related Posts

May pagpapaubaya sa salitang ‘maybahay’, may pagsuko. Kaya may kahinahunan kapag sinabi ninuman ang ‘maybahay’ lalo’t ipinapakilala ang ‘maybahay’ na ito.

Ang maybahay ang nasusunod, kaya house master. Siya ang namamalakad, ang manager, ang kumakalinga sa bahay at anumang nasa loob nito. Kaya ang karaniwan at tradisyonal na tinatawag na maybahay ay ang asawang babae na tinatawag ding kumander.

Ngayong Pebrero kasi, ngayong tinatawag na buwan ng pag-ibig, pormal at lubos ko nang tinatawag na ‘maybahay’ ang asawa ko dahil sa aming bagong bahay. Tinatawag kong amin ang bahay kahit na, gaya ng maraming middle class na Filipino, baon pa rin sa utang para sa ipinampagawa at ibinili ng lote.

Gayunman, masasabi pa rin naming amin ang bahay. At ang mamamahala ay ang aking titser na maybahay.
Nagkakaroon ng malalim na kahulugan sa akin ang ‘maybahay’. Matagal namin itong pinagplaunahan, matagal-tagal na pagtitiisan o pagtitipiran para ma­kabayad sa utang. Pero naroon ang satisfaction na sa bandang huli, nakapangalan sa amin ang bahay at ang lupang kinatatayuan.

Madalas nga, tuwing kami na lamang mag-asawa ang magkasama, wala ang mga bata at biyenan ko, natutuwa kami sa nangyari. Titser kami pareho. Hindi naman ganoong kalaki ang sweldo, pero nagawang makaipon ng pampasimula sa bahay. Para maging totoo ang ‘maybahay’.

Ngayong buwan namin nakatakdang lipatan ang bahay. Ngayong buwan namin balak, bilang mga Katoliko, na ipa-blessing.
Masinop naming ina­ayos, unti-unti, ang mga detalye. Syempre, bawat detalye ay na­ngangahulugang gastos. Ang mahirap pa nito, maraming gastos sa pagpapagawa ng bahay ang wala sa plano. Sa finishing kasi, may makikita kang detalye na alam mong makakaganda at makakaayos sa bahay.

Ang mahalaga, totoo na sa amin ang ‘maybahay’. At gaya ng kanlungan ng Pinoy sa kagipitang hindi naplano, bibigkasin na lang namin ang ‘bahala na’. Basta matapos. Kakayanin pa.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy