Una sa Balita

Mayaman, sigang negosyante na nanggulpi ng 2 enforcers arestado

By
0 1,108

Inaresto ng pinagsanib puwersa ng National Capital Region Police Office (NCRPO) at Makati City Police ang isang mayaman matapos gulpihin, duraan at pagmumurahin kasama ang kanyang mga bodyguard, ang dalawang Bantay Bayan Traffic Enforcer na humuli sa kanila dahil sa traffic violation na nag-viral sa social media sa Makati City kamakailan.

Dakong alas-7:30 nang umaga nang isilbi ng mga awtoridad sa pamumuno ni NCRPO Chief Director Guillermo Eleazar, ang search warrant na inisyu ni Makati Regional Trial Court (RTC) Judge Elmo Ala­meda ng Branch 150 laban kay Arnold Padilla, nasa hustong gulang, nakatira sa San Antonio St., Magallanes Village, at ito ay mayamang negosyante.

Sa isinumiteng report ni Eleazar, dakong alas-siyete nang umaga nang ihain ang search warrant kay Padilla sa mismong bahay nito sa Makati.

Abante Hiring – IT dep

Nabatid na habang nagsasagawa ng search ang mga pulis sa dalawang bahay ni Padilla, dumating ang dalawang abogado nito na kinila­lang sina Atty. Raymund Fortun at Atty. Virgilio Battalla na kumuwestiyon sa bitbit na search warrant ng mga pulis at sinabing may paglabag umano ang mga ito.

Gayunman, sa bandang huli ay pumayag na rin ang mga abogado nito na buksan ang Mercedez Benz ni Padilla na wala namang nakuhang kontrabando.

Subalit nagulantang naman ang mga awtoridad nang madiskubre sa isang bahay ni Padilla ang dalawang granada, isang shotgun, kalibre .45 at ilang mga bala.

Nalaman na hindi nakapangalan kay Padilla ang mga armas dahilan upang sampahan ito ng kasong Illegal Possession of Firearms, Republic Act No. 10591 Section 28 Article V (Comprehensive Firearm and Ammunition Regulation Act).

Napag-alaman na habang inaaresto si Padilla ng mga pulis ay nagpatawag ito ng doktor dahil sumama ang pakiramdam nito at nais magpa-confine sa Saint Luke’s Hospital sa Bonifacio Global City (BGC) sa Taguig City subalit hindi pumayag ang mga pulis.

Sa halip na sa pagamutan ay dinala ito sa tanggapan ng NCRPO na kung saan ito isinuri ng mga doktor ng PNP.

Magugunitang nag-viral kamakailan sa social media ang ginawang panggugulpi ni Padilla at ng grupo nito sa dalawang traffic enforcer sa Brgy. Magallanes Village, Makati City matapos sitahin dahil sa paglabag sa batas trapiko.

Napag-alaman na si Padilla ay isang prominente at galing sa mayamang angkan na umano’y sisiga-siga sa kanilang lugar.

Sangkot din umano si Padilla sa umano’y pagpatay sa sarili nitong kapatid matapos niyang padalhan ng ‘gift bomb’ sa tinitirhang condominium sa Taguig City noong taong 2010.

Samantala bandang ala-una nang hapon dahil sa hindi pa rin bumababa ang blood pressure ni Padilla ay isinugod na ng PNP doctor sa Saint Luke’s Hospital sa BGC.