Una sa Balita

Mayabang na female personality kinarma nang husto

By
0 788

Ayon sa mga totoong­ nakakikilala sa isang female personality ay binawian lang siya ng kapalaran dahil nu’ng mga panahong nasa kaitaasan ang kanyang career ay nagmalabis din siya.

Maagang pumasok sa kanyang ulo ang popularidad, nakalimot siya sa kanyang mga dating kasamahan at kaibigan, akala niya nga siguro ay wala nang katapusan ang magagandang oportunidad na dumara­ting sa kanya.

Kuwento ng isang source, “Walang kai-kaibigan para sa kanya, lahat ng kumukuha sa serbisyo niya, e, kata­lo, matindi siyang mag-quote, take it or leave it ang drama niya.

“Feeling niya nu’n, e, hindi na matatapos ang mga offers sa kanya, na parang hindi kumpleto ang isang show kapag wala siya. Ganu’n siya kaangas nu’n!

“Nakatira siya sa isang subdivision, pero parang sarili niya ang mundo, wala siyang pakisama sa mga kapitbahay niya. May mag-park lang sa tapat ng house niya, pinalalayas na niya, walang magawa ang mga kasambahay niya kundi ang sundin ang mga utos niya,” simulang kuwento ng aming source.

Sa mga pinupuntahan niyang shows sa mga probinsiya ay pinalulutang ng female personality ang pagka-primadona. Kung anu-ano ang hinahanap niya, ang inirereklamo niya, palagi siyang pabida.

“Anyare sa kanya? Nu’ng ku­malat na ang balita tungkol sa kayabangan niya, e, wala nang kumukuha sa kanya. Duma­ting pa ang point na siya na ang tumatawag sa mga show promoters, pero wala pa ring kumukuha sa kanya.

“Ang ginawa niya, e, tumira na lang siya sa malayong probinsiya dahil wala na siyang career. Pero hanggang du’n, dala-dala pa rin niya ang kayabangan. Marami siyang nakakaaway, hanggang sa maramdaman niyang wala nang nagkakagusto sa kanya.

“Ngayon, bali na ang pakpak niya, masyonda na siya, hindi na siya puwedeng mag-tumbling-tumbling sa stage na tulad ng dati niyang ginagawa. Wala na siyang career, kaya awa-awaan at bait-baitan na siya!” nakataas pa ang kilay na pagtatapos ng aming source.

***

Ynez parang binugbog ng mga lasing ang pagmumukha

Kung lumalatay lang ang masasakit na salita ay siguradong mga mata na lang ni Ynez Veneracion ang ligtas ngayon. Grabe ang mga pamba-bash na inaabot niya sa social media, kung anu-anong pangalan ang itinatawag sa kanya, simpleng kataklesan lang ang naging ugat ng lahat.

Tinawag niyang bansot at babalina ang nananahimik na si Tina Paner. May malisya o wala ang kanyang komento ay hindi na mahalaga, ang alam lang ng mga kababayan natin ay bastos ang sex star, parang napakaganda niya para mamintas ng kanyang kapwa.

Sabi ng isang naaawa kay Tina Paner, “Kung makapamintas naman ang hubaderang ‘yun! Hindi kaya siya humaharap sa salamin? Nakikita ba niya ang itsura niya nang dahil sa kapaparetoke niya?

“Para siyang binugbog ng mga lasing sa namamaga niyang mukha, para siyang may subong lollipop, hindi na halos siya makapagsalita nang maayos dahil sa pagiging salamat po, doktor niya!” panglalait kay Ynez ng isang netizen.
Kuhang-kuha ni Tina Paner ang simpatya ng mga kababayan natin, kilala kasi ang singer-actress sa pagiging simple at tahimik lang, pero kinutya-kutya pa ni Ynez at pinagtawanan.

Ang kataklesan ng sexy star ang nagpahamak sa kanya, hindi siya maaaring umani ng papuri dahil sa pagtawag niya ng bansot at babalina kay Tina Paner, galit ang mapapala niya.

Kung sana’y wala siyang kahit anong kapintasan, kung sana’y perpekto ang itsura niya, hindi ganyan na Avatar pa nga kung tawagin siya ng mga kababayan nating sukang-suka sa pamimintas niya kay Tina Paner.