Una sa Balita

May unos man, tuloy ang laban

By
0 568

Napakaraming ganap sa ating bayan. Nakakaloka na kabi-kabila ang mga issue.

Katulad ng kuwentuhan natin noong nakaraang linggo tungkol sa quo warranto na petisyon laban kay Chief Justice Maria Lourdes Sereno. Nang maipasa ito, maraming natakot at napakalungkot mang sabihin, pero maraming nawalan ng pag-asa.

Nitong linggo rin, ma­laking usapan ang pinaplanong pagbuwag sa Presidential Commission on Good Governance (PCGG) na namumuno sa pagbawi ng mga nakaw na yaman ng mga Marcos.

Sunod-sunod ang pagsubok sa ating bayan. Nakakatindig-balahibo ang resulta ng ilan. Pero hindi ibig sabihin nito, wala nang liwanag sa lalong lumalalim na dilim.

Ako man natakot simu­la pa lang nang naipasa ang quo warranto laban kay CJ Sereno. Pero madali rin ito nawala at napalitan ng pag-asa lalo na noong marinig ko ang sinabi ni VP Leni Robredo.

“Totoo po, nakakatakot ang panahon, ang panahon natin ngayon,” kuwento ni VP Leni nitong Martes sa ‘Kongreso ng Taumbayan’ sa Malate, Manila.

“Sabi nga natin, sa puntong ito, hindi natin sigurado kung saan patungo ang lahat na hinaharap natin. Ngunit kung tutuusin po, magiging mahirap lang harapin ang mga sumusunod na taon kung iisipin nating nag-iisa tayo.”

Totoo, hindi ba? Malamang pakiramdam na­ting lahat nag-iisa tayo sa mga pagsubok sa ating bayan. Pero hindi. Sama-sama tayo. Kaila­ngan lang pursigido tayo mismo na makipagtulu­ngan sa ating kapwa.

At mahalaga na kahit may mga ganitong pagsubok na hinaharap ang ating bayan, hindi tayo tumitigil sa pagtatrabaho para mapabuti ang buhay ng bawat Filipino.

Nitong linggo na puno ang mga pahayagan at social media ng usapan tungkol kay CJ Sereno, sa PCGG, pati na tungkol sa Tsina, minabuti ni VP Leni na talakayin ang mga problemang nagpapahirap lalo sa ating kababayan.

Presyo ng bigas, epekto ng TRAIN, at mga kaso ng extrajudicial killings ang ilan lamang sa mga bagay na inisa-isa niya dahil ito ay patuloy na nakakaapek­to sa ating kababayan.

Hindi ibig sabihin ipagwalang-bahala ang mga kasalukuyang issue. Ang ibig sabihin lang, sa kabila ng mga ganitong problema, kailangan patuloy pa rin ang ating trabaho, patuloy pa rin ang laban.

At ang mahalaga, patuloy tayong makialam. Magtulungan tayong palakasin ang boses ng taumbayan at itaguyod ang demokrasya.

Sabi ni VP Leni, “sa dami po ng ating pinagdaanan, ramdam na po ng ating mga kababayan, ang sabi nila, pagod… pagkapagod sa pakikibaka, sa social media man o sa kalsada.”

“Ngunit mas nakababahala po para sa akin ang makitang sumusuko ang iba nating mga kababa­yan, ang ating kapwa Pilipino, dahil pakiramdam daw ng iba, wala silang magagawa. Ito iyong mas nakakatakot—na ayaw na nilang makialam; at manhid na sila sa mga nangyayari sa ating ba­yan,” dagdag niya.

Huwag nating ha­yaang mapanghinaan ng loob dahil sa mga pangyayari. Laging may pag-asa, basta’t tulong-tulong tayong lalaban.

Sabi nga ni VP Leni, “mapanghamon man ang panahon ngayon, walang imposible sa nagkakaisang taumbayan.”

***

Si Georgina Hernandez ang tagapagsalita ni Vice President Leni Robredo. Siya rin ang namumuno sa Angat Buhay program ni VP Leni. Layunin nitong tulungan ang pinakamahihirap na komunidad sa ating bansa sa pakikipag-partner sa mga pribadong kompanya at iba pang volunteer groups. Mag-email sa kanya sa angatbuhay@gmail.com o mag-text sa 0916-705-0273.