Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

May round 2 pa! Mga trucker taas-singil na

0 187

HINDI na umano mapipigilan ang pagsirit ng presyo ng mga produkto sa bansa matapos ihayag ng Confederation of Truckers Associations of the Philippines (CTAP) na muli silang magtataas ng singil sa hauling rate kasunod ng ipinatupad nilang dagdag na 30% noong unang linggo ng buwan bunsod ng walang patid na dagdag sa presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.

Sinabi ni CTAP President Mary Zapata na kailangan nilang sumabay sa patuloy na pagtataas ng presyo ng petrolyo para patuloy silang makapagbigay ng de-kalidad na serbisyo sa kanilang mga kliyente at customer.

Hinihingi umano nila ang pang-unawa ng kanilang mga kliyente dahil napakalaki ng diperensya ng presyo ng Diesel noong Enero ng 2021 na pumalo lang sa P31 kada litro kumpara hanggang noong Marso 8, 2022 na lumobo sa P70 kada litro.

Nauna nang sinabi ni Zapata na muling magkakaroon ng negosasyon sa pagitan ng mga mi¬yembrong operator ng CTAP para pag-usapan ang bagong round ng dagdag sa singil sa kanilang truck rate batay sa magiging presyo ng langis pagkatapos ng Marso 8.

Aniya, tiyak na matetengga ang mga kargamento kapag hindi ipinalabas ng mga operator ang kanilang truck dahil sa nakalululang pagtataas ng presyo ng petrolyo.

Samantala, dudulog din ang grupo ng mga UV express operator at driver na taasan ang kanilang sinisingil na pamasahe kasunod ng malakihang pagsirit sa presyo ng produktong petrolyo.

Maghahain ng petisyon ang mga operator at tsuper sa Ayala, Makati na mula P2 kada kilometro ay gawing P3.15 ang kanilang singil sa mga pasahero.

Ito’y dahil hindi kaagad mararamdaman ng mga tsuper ng UV express ang fuel subsidy na sinimulan nang ibigay ng gobyerno ngayong linggo.

Prayoridad muna sa ayuda sa produktong petrolyo ang mga operator at driver ng jeep at bus. (Mia Billones/Ray Mark Patriarca)

Leave A Reply

Your email address will not be published.