Una sa Balita

May putukan sa Junction

By
0 430

Nagtataka ang karamihan ng mga motorista sa Ortigas at Imelda Avenue. Bakit ba hindi gumagalaw ang traffic. ‘Yung dating bente minuto na takbo pauwi ng bahay, ina­bot nang 3-oras. Makikita nila na marami na ang nagsimulang maglakad. Mainit na ang kanilang mga ulo. Ubos na rin ang pasensya.

Pagsapit sa may Junction, nagulat sila sa tumambad. May 2 patay na lalaki sa kalye. May barilan pala.

Hindi magalaw ang mga patay dahil darating ang SOCO. May magbubukas ng radyo… baka sakaling may spot report na ukol dito. Meron din namang magbubukas ng bintana para umusi sa mga nakatambay at nagmamasid. ‘Yung unan­g init ng ulo, papalitan ng pagiging usi.

Matatahimik, magugulat. Kahit pa sabihin nating halos araw-araw na tayong nakakapanood sa TV ng mga patayan, iba pa rin ang pakiramdam kung nasa harap mo na ang mga bangkay… kung nakatitig na sila sa nagkalat na dugo ng mga ulo na wala ng buhay.

May shoot out pala. Patay ang dalawang suspect na bumaril ng isang matadero at nagtangkang tumakas. Pinutukan niya ang mga pulis na nagtangkang harangin sila matapos ang insidente.

Mahusay ang bagong talagang hepe ng pulis dito sa amin sa Cainta. Siya si Col. Art Bruan. Sa unang salta, ramdam mo ang sinseridad na ibigay ang todo para maayos ang lugar namin.

Bilang incentive sa kanya sa unang tapak sa lugar namin, ibinuhos ko ang lahat ng suportang pinansyal para lalo silang ganahan. Tama lang naman dahil kailangan talaga, maganda ang relasyon ng pulis at local na gobyerno. Dito sa pangyayaring binanggit, hindi na sila nag-atubiling habulin ang riding-in-tandem at makipagputukan.

Buwan na ang nakalipas mula nang ipinakiusap ni hepe na ipadala sa isang firing range ang kanyang mga bata para magsanay. Buwan na rin ang nakalipas mula nang sila ay bigyan ng mga sasakyan at gamit para sa pagtugis sa krimen.

Buwan na rin ang nakakalipas mula nang magtalaga kami ng isang elite team na may rasyo ng gasolina at monthly allowance para sugpuin ang krimen sa aming bayan.

Ang kagalingan ng pulis ay nakasalalay sa galing ng kanilang hepe at sa suporta ng pamahalaang local kung san sila gumagalaw. Sa ganang akin, hindi ako mag-aatubiling ibigay ang nararapat kung may output naman sila. Isang malaking balita sa TV at dyaryo ang naganap. Bihira kasi ang kuwento na ang ending eh napatay ng riding-in-tandem.

Kadalasan nating nakikita eh nakakatakas sila… tinutugis ng pulis at tanging CCTV lamang ang meron para malaman kung ano ang nangyari at tukuyin kung sino ang may sala.

Dito sa kuwento ko, nangyari ang dapat mangyari… parang pelikula. Good versus evil… dahil ang mga pulis sa amin, nasa field at para­ting umiikot. Wala sila sa mga opisinang malamig. Nasa kalye sila kung hindi man nasa covert operation para sa pagtugis ng mga kaso.

Kada Miyerkoles, humaharap sila sa akin para ihanay ang mga huli sa loob ng isang linggo. Halo-halong kaso… may drugs, rape, physical injuries, child abuse at iba pang krimen.

Sa ganu’ng paraan, monitored ang performance at output nila. Sa loob ng halos 3-buwang paglagi ni Col. Bruan sa Cainta, higit dalawang daang tao na ang nahuli sa magkakahiwalay na operasyon… bagay na ikinatuwa ng mga tao… dahil nagkakaroon sila ng katahimikan sa paniniwalang mauubos din ang may masasamang loob sa lugar namin.

‘Yan naman ‘di ba ang isang dahilan kung bakit may gobyerno.