Una sa Balita

May problema

0 365

Sa Nobyembre gagawin sa ating bansa ang 30th Southeast Asian Games 2019. Kaya nagkukumahog ang mga sports official sa paghahanda.

Pero may malaking problemang kinakaharap ang Philippine SEA Games Organizing Committee o Phisgoc, ang grupo na siyang naatasang maglatag ng paghahanda para sa pang-apat nating pagho-host ng tuwing dalawang taong palaro.

Ang problema ay tungkol sa basketball, na alam naman nating lahat na parang relihiyon ang turing dito sa atin.

Inaasahan ng lahat na sa Araneta Coliseum­ o kaya ay sa Mall of Asia Arena gagawin ang basketball. Pero nabigla ang nakararami nang ipahayag noong nakaraang Huwebes na sa The Arena, o Flying V Centre, sa San Juan gagawin ang basketball. Teka, hindi ba’t ang capacity ng nasabing venue ay 5,500 lamang?

Sabi nga nila, anya­re? Bakit nagkaganito? Sino ang may sala?

Sa mga darating na araw ay malalaman nating lahat kung bakit nagkaganoon. Ang alam pa lang natin ay hindi na available ang MOA dahil naka-book na ito para sa ibang mga palabas. Malamang, ganoon din ang Araneta Coliseum.

Hindi siyempre papayag ang Samahang Basketbol ng Pilipinas na sa isang maliit na venue lang gagawin ang labanan para sa pinakamimithi nating­ gintong medalya. Ano’ng palagay nila, small time ang Gilas Pilipinas?

Sabi nga ni Al Panlilio, ang presidente ng SBP, kapag ang naglaban ay ang Myanmar at Malaysia, puwedeng sa ibang venue ito gawin. Pero kapag laban ng Gilas, ibang usapan. Kailangan sa malaking venue ito gawin dahil siguradong papanoorin ito ng mga Pinoy na adik sa basketball.

Para sa mga hindi nakakaalam, labing-pitong beses na nating­ napanalunan ang basketball gold medal sa SEA Games. Hindi lang natin nakuha ang ginto noong 1979 sa Malaysia at 1989 sa Kuala Lumpur.

Unang ginawa dito sa atin ang SEA Games noong 1981, 1991 at muling naulit noong 2005 nang tanghalin tayong overall champion sa unang pagkakataon. At binugbog natin ang mga kalaban sa naturang mga taon.

Teka, ano ba itong naririnig ko na may problema sa Phisgoc, na parang nahuhuli na ang preparasyon dahil may kapalpakang nangyayari sa grupong bumubuo nito? Isa ba ito sa dahilan kung bakit may problema ngayon sa venue para sa basketball?

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy