Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

May plano, may panalo

0 223

Kaninang umaga, naglabas ng komprehensibong Hanapbuhay Para sa Lahat Plan si Leni Robredo. Kasunod ito ng kanyang Kalayaan sa COVID Plan, at bahagi ng plataporma niya upang matugunan ang pinakamabibigat na isyu ng ating bayan ngayon. Kung hindi n’yo pa napapanood, nasa opisyal na Facebook at YouTube page niya ito. Nakapost din ang kabuuhang detalye nito sa website niya sa www.lenirobredo.com.

Isa lang ang masasabi ko: Malinaw talaga ang plano ng lider na ito.

Alam ko marami sa atin nadale na ng matatamis na pangako. Ang maganda sa mga nilalatag na plano ni Leni, hindi ito laway o paganda lang. Karamihan sa mga ito ginagawa na ng kanyang munting opisina, sa kabila ng panggigipit at kakulangan ng pondo. Halimbawa: Limang taon na silang nakikipag-ugnayan sa pribadong sektor upang maghatid ng sari-saring livelihood at skills training programs sa mga manggagawa, mga katutubo, at sa mga liblib na komunidad. Matagal na ring patakaran nina Leni na hangga’t maaari ay bumili at makipagpartner sa lokal na mga magsasaka at producers. Kaya naman nang magkaroon ng shortage ng PPE noong simula ng pandemya, agaran niyang kinausap ang mga lokal na mananahi natin para sila na mismo ang mag-produce ng PPE na ipapamahagi sa ating mga ospital.

Higit sa lahat, may tiwala kay Leni ang taumbayan. Malinis, mahusay, at sobrang transparent ng pagpapatakbo ni Leni sa kanyang tanggapan. Kaya nga marami ang kampante at nae-engganyong mag-donate at mag-volunteer – mapa oras man ‘yan, pera, o kagamitan. Kitang-kita sa track record niya na hindi siya ‘yung tipo ng lider na magsasabing “hanggang dito lang kaya natin” o “wala na tayong magagawa” o “wala na tayong pera”. Hangga’t alam niyang may kailangang gawin at may tulong na kailangang maiabot, hahanap at hahanap siya ng paraan.

Ito ang talagang nagpapaiba kay Leni sa iba pang kandidato. Kaya ito rin ang pilit binubura at sinisiraan ng mga trolls at haters niya sa social media. Ang kaso nga lang, wala silang magagawa kasi alam ng mga nakinabang sa mga programa na natulungan sila ni Leni. Napakahaba ng resibo ng kakayahan niya bilang isang matino at mahusay na pinuno, at kung serbisyo lamang ang magiging batayan, malayong-malayo ang lamang niya sa ibang nanliligaw sa boto ng taumbayan.

Hindi apelyido o kulay o partido ang usapan, kundi buhay, trabaho, at kinabukasan nating lahat. Piliin sana natin ‘yung proven and tested na ang kakayahan. Piliin natin ‘yung lider na matagal nang nagtatrabaho para magkatrabaho ang pinakagipit nating mga kababayan. Piliin natin yung matagal nang pumipili sa atin.

Malaki ang nakataya sa susunod na halalan – kaya kung anong ingat natin sa pagpili ng mga numerong mamarkahan sa lotto, ‘yun din sana ang ingat natin sa pagpili ng susunod nating pangulo. Dahil sa tamang pamumuno, wala tayong lugi at hindi tayo talo.

Leave A Reply

Your email address will not be published.