Una sa Balita

May pinag-aralan

By
0 616

Bilang guro sa kolehiyo, nakatutuwang makita ang mga larawan ng mag-aaral kong nagdi-display ng kani-kanilang lara­wan na naka-academic gown o toga. Nakatutuwang makabasa ng mga success story sa social media hinggil sa pinagdaanan ng kung sino-sinong estudyante para lamang magtapos ng kanilang pag-aaral.

Marami nang naging viral sa mga kuwento ng pagtatapos ng pag-aaral na hindi birong hirap ang inabot makamit lamang ang diploma. Maraming ganitong kuwento lalo na ngayong panahon na kaliwa’t kanan ang graduation.

Kaliwa’t kanan din ang paabot natin ng pagbati dahil napakadali nang magpadala ng mensahe gamit ang social media. Mula sa mga magulang hanggang sa kapatid na lagi nang nagsasabi kung gaano sila ka-proud sa nakamit ng kanilang mag-aaral.

Nangaghilera ang parangal at medalya, ang valedictory address sa social media. Iniisip ko nga, aba, ang dami ko palang ka-Facebook na matalino. Marami pala akong kakilala na may anak na mahusay. Taon-taon, maraming nagkakamit ng diploma. Maraming nagtatapos ng pag-aaral.

Pero sa konteksto ng ating lipunan, bagama’t natutuwa tayo sa mga ‘nagsipagtapos’, may pagkakataong hindi naiiwasang makita natin ang pagkakaiba ng kahulugan ng salitang ito sa katagang ‘may pinag-aralan’.

Taglay ng ‘may pinag-aralan’ ang dangal kapag sinasabi ito. May pinag-aralan ang kumikilos nang naaayon sa tama at mabuti; may pinag-aralan ang may respeto sa kapwa; may pinag-aralan ang pinag-iisipang mabuti ang gagawin, tinataya ang magiging epekto ng kanyang kilos at sasabihin. Edukado.

Kabaligtaran ng ‘may pinag-aralan’, natural, ang ‘walang pinag-aralan’. Puwedeng bastos, walang pakundangan sa magiging masamang epek­to sa kapwa ng ikikilos o sasabihin. Hindi edukado. Hindi sibilisado.

Mas masakit na gamit ng katagang ‘walang pinag-aralan’ ang pag­lalarawan sa tao na, sa kabila ng natamong diploma at tinapos na edukasyon, mistulang walang natutuhan. Sasabihin bilang insulto, ‘Para kang walang pinag-aralan sa ginawa mo’.

Masasabing malapit na kahulugan nitong ‘walang pinag-aralan’ ang kasabihang ‘tumanda nang walang pinagkatandaan’. Masakit din itong ipataw sa isang tao. Sa kabila ng edad na dapat ay natuto siya hindi lamang ng pormal na edukasyon kung hindi maging sa leksyong ibi­nibigay ng buhay, parang walang natatandaan. Walang pinagkatandaan.

Hindi ako magmamalinis. May mga pagkakataong nadadala tayo sa bugso ng damdamin kung kaya kumikilos taliwas sa natapos. Lalo ako na mayroong doktorado at nagtuturo. Lagi ko nang sinusuri ang magiging kilos ko, ang sasabihin ko, na dapat umakma sa diplomang natamo. Kailangang kumilos na para talagang may pinag-aralan.

Ang malungkot, pangkaraniwan na sa atin na makasaksi, lalo na sa media, ng mga pangyaya­ring ang naging pagkilos ay parang walang pinag-aralan. Pero alam mong hindi dahil nakatapos, may titulo, pinagkatiwalaan ng taumbayan. Parang hindi sibilisado at walang pinag-aralan.

Tunay nga, iba ang may pinag-aralan kung ihahambing sa nakatapos lang.

***
Para sa inyong mungkahi at puna, maaari kayong magpadala ng mensahe sa akin sa jwedelosreyes@yahoo.com o sundan ninyo ang aking Facebook account dito: https://www.facebook.com/joselito.d.delosreyes