Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

May paraan para mapadali ang proseso sa Mandaluyong hit-and-run case

0 124

Magandang araw, Mga Kakampi!

Sa nakaraan nating kolum, tinalakay natin ang isyu kung bakit hindi agad inaresto ang SUV driver na sangkot sa hit-and-run ng isang traffic enforcer sa Mandaluyong City.

Kahit na noong humarap si Jose Antonio Sanvicente sa isang press conference kasama ang mismong PNP officer-in-charge na si Lt. Gen. Vicente Danao Jr., hindi pa rin ito dinampot ng mga pulis pagkatapos.

Ito’y dahil kailangan nang dumaan sa prosesong tinatawag na preliminary investigation ang kasong frustrated murder at abandonment of victim na isinampa ng Mandaluyong City Police laban kay Sanvicente.

Ngayon, marami ang nagtatanong sa akin kung bakit napakatagal ng proseso sa pag-isyu ng arrest warrant laban sa suspect. Ito’y dahil may malaking butas ang ating batas.

Kung titingnan niyo ang timeline, nangyari ang insidente noong Hunyo 5, 2022. Sa sumunod na araw, nagsampa ng kaso ang Mandaluyong police laban kay Sanvicente.

Nagsimula ang preliminary investigation ng Mandaluyong Prosecutor’s Office noong Hunyo 17, 2022, ngunit hindi nagsumite si Sanvicente ng counter-affidavit.

Kapag nagsumite siya ng counter-affidavit sa susunod na pagdinig sa Hunyo 23, 2022, mayroong 10 araw ang prosecutor na nag-iimbestiga sa kaso para resolbahin ang preliminary investigation.

Kung natapos na niya ang preliminary investigation, mayroon limang araw ang prosecutor para ibigay ang record sa City Prosecutor, na mayroon namang sampung araw para aksiyunan ito.

Sakaling magpasya ang City Prosecutor na isampa ang kaso sa hukuman, may 10 araw ang hukom para magpasya kung may probable case para maglabas ng arrest warrant.

Sa ganito kahabang proseso, maaari lang mailabas ang arrest warrant sa bandang Hulyo 28, 2022, ito’y kung may makikitang sapat na dahilan para kasuhan si Sanvicente. Biruin niyo, lalabas lang ang warrant pitong linggo pagkatapos ng insidente.

Mas matagal pa ito kung hihingi ng extension o postponement ang akusado. Masakit man sa loob natin, ito’y pinapayagan ng Rules of Criminal Procedure upang matiyak na nasusunod ang tinatawag na “due process of law.”

Isa pang tanong sakin, may paraan ba para mapabilis ang proseso? Sa aking palagay, merong hakbang na maaaring gawin ang ating Department of Justice (DOJ) upang ito’y mapadali.

Kailangan lang mag-isyu ang DOJ ng administrative circular na nag-oobliga sa prosecutors na paikliin ang proseso ng preliminary investigation.

Maari itong gawin sa mga kaso kung saan ang akusado ay may posibilidad na lumabas ng bansa para makaiwas sa asunto.
Sa mga ganitong kaso, ang 10 araw na palugit na ibinibigay ng Rules of Court para maghain ng counter-affidavit ay dapat gawing 5 araw na lang. At hindi dapat papayagan ang extension maliban na lang kung talagang kelangan, at kung payagan man, hindi dapat ito lalampas ng 3 araw.

Ang 10 araw na binibigay sa prosecutor para resolbahin ang preliminary investigation ay dapat paikliin sa 4 na araw. Ang 5 araw na palugit para sa prosecutor na isumite ang kaso sa City o Provincial Prosecutor ay maaari ring paikliin sa 3 araw.

At ang 10 araw na panahon para sa City o Provincial Prosecutor na kilusin ang resolusyon ay maaari ring gawing 4 na araw na lang.

Sa prosesong ito, ang panahon para umusad ang preliminary investigation ay mababawasan ng kalahati nang hindi sinasakripisyo ang tinatawag na due process.

Kung ito’y gagawin sa kaso ng SUV driver, makakapaglabas ng warrant of arrest sa loob lang ng 3 hanggang 4 na linggo at hindi 7 linggo.

Hanggang sa muli. Tandaan, kay Atty. Chel Diokno ang dehado, liyamado!

Leave A Reply

Your email address will not be published.