Una sa Balita

May mga ‘promo’ pala ang ilang LGUs

0 3

Sa munisipalidad ng Glan, Sarangani seryoso ang lokal na pamahalaan na gawing drug-free ang buong bayan sa loob ng 90-araw.

Sabi sa report, mahigit 1,600 na ang sumukong drug personalities na sumasailalim sa inihandang programa para sa kanilang bagong buhay, kasama ang training sa TESDA na talagang maganda at kapuri-puri. Pero kung ayaw namang magbago, may ibibigay na sertipikasyon ng libreng palibing kung sakaling mapatay sa mga susunod na drug operations.

Libreng lote daw sa semen­teryo, ataul, transportasyon, at may isang sakong bigas pa, bis­kwit at kape para sa lamay. Sino nga naman ang hindi matatakot?

Ang mga pulis naman, may pabuyang P5,000 kapag nakahuli ng drug user; P10,000 kapag drug pusher ang nalambat; pero kapag nakapatay ng nanlalabang drug suspect, P20,000 ang pabuya ng local government. Lumabas ang ulat sa ABS-CBN website.

Malaki pala talaga ang bigayan kapag patay ang suspek kesa kung buhay na maipepresenta.

Sa munisipalidad ito ng Glan sa lalawigan ng Sarangani. Ano naman kaya ang ‘promo’ ng ibang alkalde at gobernador para makarami ng mapapasukong adik at tulak? Mukhang may kani-kanyang diskarte ang mga LGUs para maisulong ang kani-kanyang kampanya laban sa illegal drugs. Ito kasi ang prayoridad ng bagong luklok na administrasyong Duterte.

Related Posts

Syempre, kung ano ang deklarasyon ng Pangulo, ‘yun ang gustong maipakita ng LGU sa kanyang bayan, syudad o lalawigan. Matutuwa nga naman sa kanila ang Pangulo kung mawawalis nila ang kanilang nasasakupan sa illegal drugs.

Pero mangangalampag muli ang munting pahayagang ito hinggil sa pagpapahalaga sa buhay. Hindi rin naman masisisi ang mga halal na opisyal. May obligasyon sila sa kanilang nasasakupan na gawing ligtas laban sa masamang epekto ng droga ang kanilang lugar.

Kaya naman, lahat ng klase ng paninindak sa mga tigasing adik at tulak ay gagawin para kusa silang bumitaw sa masamang bisyo.

Ang problema lang, may mga ulat na kahit sumusuko na ay ‘itinutumba’ pa rin. Madali naman talagang palabasin na nanlaban ito. Lalo pa nga kung gaya ng Glan ay P20,000 ang pabuya kapag ‘patay ang suspek’ na 4x o dobleng mas malaki kesa sa buhay na suspek.

Puwera pa ito sa mga kwento na sinasadya ang “pagpapatahimik” sa mga hinuhuling suspek para hindi na makapagturo ng ka-negosyong mga parak.

Hanggang kelan ba paduduguin ang kampanya laban sa illegal drugs? Sana ay palaging “tsansa para sa bagong buhay” ang alok sa mga adik at tulak.