Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

May mawawala sa cashless

0 54

Hindi magtatagal ay ganap nang cashless o hindi na literal na magbabayad ng pera sa pamasahe ang mga mananakay sa kanilang paggamit ng mga pampublikong sasakyan.

Sabihin man kasi na perhuwisyo ang COVID-19 ay naghatid-daan ito para ang mga tao sa mga hindi pa gaanong maunlad na bansa gaya ng Pilipinas ay mapuwersang sumunod sa mga bagong teknolohiya para maiwasan ang contact ng mga tao na sinasabing ugat ng pagkakahawaan ng naturang sakit.

Sa mga TNVS ay lalong nauuso na ang credit card payment, sa mass transport system gaya ng train at rail services at mga bus ay umiiral na rin ang beep cards kaya talagang patungo na sa cashless ang pamasahe ng mga nagko-commute.

Ang mga tollways naman sa Luzon ay nagpapatupad na rin ng RFID at Easytrip payments kaya talagang patapos na ang henerasyon ng mga katagang “bayad po,” “magkano hanggang Monumento,” at “sukli ko.”

Kumbinyente na at wala nang maling suklian ‘ika nga pero sa isang panig ay nakakalungkot din dahil siguradong palubog na rin ang mga kasabihang sumikat at naging patok kasabay ng pamamayagpag dati ng mga dyipni na itinuring pa nga na King of the road.

Mawawala na rin ang mga Pinoy slogan na dating nababasa natin sa mga dyip gaya ng “barya lang po sa umaga nang hindi maabala,” “basta driver, sweet lover,” “katas ng Saudi, (o anumang bansa na pinagtatrabahuan ng may-ari o operator)” at ang pamatay tuwing Semana Santa na “God knows Hudas not pay.”

Kung tutuusin nga, sa pag-usbong ng internet ay unti-unti nang nakalimutan ng mga nakakabatang henerasyon ang mga naiibang katangian na ito ng mga Pinoy kaya pag ikinuwento mo sa kanila o may nakita silang mga ganoon ay wala lang.

Nakakamiss lang dahil ang mga noon ay kabataang nakaranas ng mga ganitong yugto sa kanilang buhay ay kailangang makipagsabayan sa mga batang henerasyon upang kahit paano ay hindi maiwanan ng bagong teknolohiya at hindi magmukhang mangmang.

Tama, mas kombinyente ang cashless sa usapin ng pagbabayad ng pamasahe pero ang kasabay na pagkawala ng kulturang natatangi sa mga Pinoy pagdating sa usapin ng pagko-commute ay hindi ganap na mawala.

Kung mawala man ito sa realidad, dapat sigurong maglaan ng oras at panahon ang mga nasa sektor ng kasaysayan at turismo sa bansa na ito ay isabuhay sa pamamagitan ng pagsasama ng madalas sa mga tampok o promosyon sa mga turista kapag nanumbalik na sa normal ang lahat.

Ayos ba?

In-house Wendys Banner – square

Leave A Reply

Your email address will not be published.