Una sa Balita

May masibak kaya sa NFA rice?

By
0 936
Ayun na nga, wala naman daw shortage sa bigas sa bansa kaya hindi raw dapat mabahala ang sambayanan, ayon sa opisyal ng National Food Authority (NFA). Iyon nga lang, ang mga may pera at kakayahang bumili nang mas mahal na commercial rice lang ang puwedeng matulog nang bundat.
 
Pag-amin ni NFA Administrator Jason Aquino, sadyang kapos na ang stocks o nakatabing mas murang NFA rice na ini-import natin. At sa tantiya niya, baka tumagal na lang ng 18 araw ang suplay ng NFA rice, na binibili ng mga kababayan nating pinakamahihirap o poorest of the poor na nasa 8 hanggang 10 milyon.
 
Pero ‘wag daw mag-alala ang publiko dahil nandiyan naman daw ang mga mas mahal na commercial rice na may presyo na P36 hanggang P60 ang kilo. Kumpara iyan sa bigas ng mga pobre na NFA rice na kahit hindi primera ang klase eh nagkakahalaga ng P27 hanggang P35 ang kilo.
 
Dahil halos wala na sa mga tindahan ang NFA rice, mapipilitan ngayon na bumili na rin ng commercial rice ang mga pobre. At dahil madadag­dagan sila sa mga kokonsumo ng commercial rice, ang resulta, tataas ang demand at magmamahal ang naturang bigas dahil sa tinatawag na “law of supply and demand.”
 
Ngunit hanggang kailan kakayanin ng mga pinakamahihirap na Pinoy ang mahal na bigas? Kung ang karaniwang nanga­ngalakal ng basura o mga padyak ay kumikita ng P100 hanggang P300 isang araw, at nasa tatlo hanggang lima ang miyembro ng pamilya, hanggang saan makararating ang kanilang kita? Lalo na ngayong tumaas na rin ang presyo ng ibang bilihin.
 
Batay sa survey ng Social Weather Station noong nakaraang Disyembre, tumaas ang bilang ng mga nagsabing nakararanas sila ng gutom na umabot sa 15.9 porsiyento o tinatayang 3.6 milyong pamilyang Pinoy. Mas mataas ito sa 11.8 porsiyento na naitala noong Setyembre 2017. 
 
Ginawa ang survey sa panahon na hindi pa siguro pahirapan ang NFA rice, eh papaano pa ngayon? Tayo pa namang Pinoy, kanin lang happy na. Pero kapag nawala ang kanin, ang mga nagki-keto diet o karne lang ang chibog ang matutuwa. Ang mga pobre, baka mamamatay nang dilat.
 
Tanong ng ating kurimaw, bakit nga ba nagkahetot-hetot ang suplay ng NFA rice? Noong nakaraang Abril 2017, sinibak ni Pangulong Digong Duterte si Undersecretary Maia Chiara Halmen Reina Valdez dahil daw sa pagkontra niya sa desisyon ni NFA Administrator Aquino na suspindihin ang pag-angkat ng bigas dahil harvest season naman daw sa Pilipinas.
 
Ibig sabihin, inaasahan ng mga panahong iyon na maraming commercial rice kaya hindi kailangan ang umangkat ng bigas na para sa NFA rice. Pero ngayon, sinasabi ni Aquino na Nobyembre pa lang ay hiniling nila sa NFA council na payagan na ang pag-import ng bigas.
 
Ang NFA council ay pinamumunuan ni Cabinet Secretary Leoncio Evasco, na boss noon ni Valdez.
 
Sinasabing ang desisyon noon ni Valdez na payagan ang rice importation ay pagsunod sa desisyon ng NFA council pero siya ang masibak.
 
Ngayon, nakatengga pa rin daw ang kahilingan ni Aquino sa NFA council na payagan ang pag-angkat ng bigas. Aba’y kung may banggaang nangyayari sa itaas, huwag naman sanang hayaan na ang mga mahihirap ang maghirap. Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy niyo.”