Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

May magagawa tayo

0 247

Madalas nasasabi ngayon na kung wala kang kaibigang na-COVID, e baka wala kang kaibigan. Record breaking ang bilang ng mga kaso. Naitala din ngayong Enero ang pinakamataas na positivity rate natin na pumalo na ng 47.9% — ibig sabihin, halos lima sa bawat sampung Pilipinong nagpatest ay nagpositibo. May mga analysts pa ngang nagsasabi na tiyak mas marami ang aktuwal na bilang, dahil napakalimitado talaga ng testing capacity natin. Ganito na kalala ang sitwasyon na pilit isinasantabi ng ating gobyerno ngayon.

Kung hindi ka naman nakatira sa kuweba nitong nagdaang dalawang taon, sigurado ako na malinaw na malinaw na sa iyo: kailangan natin ng lider na marunong tumugon sa pandemya at sa mga problemang dala nito. Yun bang may planong talunin ang virus, imbes na planong kumita. Yung klaro ang direksyon, at nakaangkla ang mga polisiya hindi sa pagpapadali ng trabaho niya kundi sa pagpapagaan ng dalahin ng mga Juana at Juan.

Alam kong marami na ang diskumpiyado sa ideya ng pulitika at sa mga nasa puwesto. Malamang kabilang ka sa nag-iisip na imposibleng magkaroon tayo ng mahuhusay at matitinong pinuno. Pero gusto kong malaman mo na nariyan sila at totoo sila; hindi multo, hindi engkanto, hindi kathang isip. Hindi mo kailangang tumingin sa malayo para makakita ng lider na marunong. Kahit sa cellphone mo ngayon, puwede mong i-search ang Bayanihan e-Konsulta — at hindi mo kailangang mag-alala kung wala kang mobile data, kasi naka-free data ang serbisyong yan mula sa opisina ni Leni Robredo. Diyan puwede kang komonsulta sa isa sa libu-libong medical volunteers ng OVP. Kung kailangan, bibigyan ka ng reseta at payong medikal. May libreng COVID care kit pa na idedeliver agad sa ‘yo kung medyo tagilid ang sitwasyon mo. At ang pinakamaganda, available ang serbisyong yan para sa buong Pilipinas, kahit sino ka man at kahit sino pa ang binoto mo sa mga nakaraang eleksiyon.

Isa lang yan sa mga programa ni Leni na matagal nang ipinatutupad ng kanyang Tanggapan bilang tugon sa pandemyang magdadalawang taon na nating iniinda. Meron ding Swab Cab (libreng testing), Vaccine Express (ligtas at mabilis na serbisyong pagbabakuna, na madalas may pabaon pa), Community Learning Hubs (para sa mga estudyanteng walang maayos na lugar, internet, gadget o katulong mag-aral), at Community Mart (para sa mga maninindang apektado ang benta dahil sa mga lockdown) na umaabot kahit sa pinakatagong mga sulok ng Pilipinas. Walang pang usapan ng eleksiyon, wala pang deklarasyon, wala pang kampanya— nandiyan na siya. Tumutulong. Kumikilos. Tumutugon. Kitang kita na hindi pampaganda at pampabango ang rason ng kanyang serbisyo, kundi ang kagustuhang maghatid ng tapat na paglilingkod sa kanyang bayan.

Sigurado akong tulad ko e pagod na pagod na rin kayo sa COVID na ito. Higit pang nakakadagdag sa konsumisyon at pag-aalala yung maraming bagay ang hindi nakasalalay sa atin kundi sa ating mga pinuno. Mahirap panoorin ang balita, lalo na dahil madalas damang-dama mo yung kawalan ng pag-asa at kawalan ng kakayahang baguhin ang bulok at nakakarinding sistema.

Pero huwag ka munang panghinaan ng loob: sa darating na Mayo, may magagawa tayong kongkreto dito sa nakakaumay na kalagayan natin. Puwede tayong pumili ng lider na matino, mahusay, at may plano para tutugunan ang pandemyang ito. Puwede tayong pumili ng lider na tapat, kung saan aangat muli ang bansa mula sa pagkakalugmok nito. Puwede tayo pumili nang tama, nang may pagkiling sa isang kinabukasang maginhawa, mapagmahal, at ipaglalaban yung nararapat at wasto para sa sambayanang Pilipino.

At alam ko na sa kaibuturan ng puso’t isip mo, kilala mo rin kung sino talaga ang nararapat at wasto.

Leave A Reply

Your email address will not be published.