Una sa Balita

May karapatang magmana ang half sister

By
0 625

Dear Atty. Claire,

Magandang araw po. Sana po ay matulungan niyo ako sa aking problema.

Ako po ay anak ng tatay ko sa pangalawang asawa niya. May nauna po siyang asawa at may 2 anak siya rito. Nang mabiyudo ang tatay ko ay nagpakasal siya sa nanay ko at ako ang na­ging anak nila.

‘Yung isang kapatid ko po sa ama ay namatay nang walang asawa at walang anak. Patay na rin ang aming ama.

May naiwan pong mga ari-arian ang kapatid ko at ang sabi ng isa kong kapatid ay wala raw akong makukuha dahil ‘di ako kapatid na buo. Siya lang daw ang tunay kapatid dahil pareho sila ng magulang.

Paano po ang aking gagawin dahil pinapalayas niya ako sa bahay ng namatay kong kapatid?

Gumagalang,

Mildred

***

Dear Mildred,

Malinaw sa iyong kuwento na ikaw ay isang half sister dahil sa pareho kayo ng ama.

Ayon sa ating batas ay may karapatang magmana ang isang half brother/sister sa kapatid na namayapa lalo pa at walang compulsory heir ito tulad ng kapatid mo.

Mas malaki nga lamang ang share ng kapatid na whole blood ang relationship dahil doble ang makukuha niya kumpara sa isang half brother/sister.

Kung ikaw ay nakatira sa bahay na pag-aari ng namayapa mong kapatid ay hindi ka basta-basta mapapaalis diyan dahil ikaw ay co-owner na rin ng share diyan na ayon sa ating batas.

Kung ipagpapatuloy niya ang pagpapaalis sa bahay ay gamitin mong depensa na ikaw ay co-owner at dapat na magkaroon ng partition ng mga share bago magkaroon ng desisyon sa pagpapaalis sa iyo.

Maaari mo ring simulan ang pagsampa ng petition for judicial partition of estate ng namayapa mong kapa­tid upang malaman na ninyo ang share ng bawat isa.

Kung may katanungan pa ay tumawag lamang sa 410-7624 o mag-email sa attorneyclaire@gmail.com