Una sa Balita

May kaakibat na responsibilidad

0 272

Bawat mamamahayag ay may karapatang magbalita pero may tungkulin din na ilahad ang buong katotohanan nang walang malisya kaninuman kaya naniniwala kaming sablay itong kapwa natin ko­lumnistang si Ramon Tulfo sa banat nito kay Executive Secretary Salvador Mediadea tungkol sa P272 mil­yong reward money na pinatutulog diumano sa tanggapan ng kalihim para makahingi ng P72 milyong komisyon sa reward.

Sa kanyang mga patutsada at banat sa tanggapan ni Medialdea, nakalimutan o puwede rin namang sadyang hindi binanggit ni Tulfo ang napakaimportanteng detalye ng istorya: hindi naman pala aprubado sa Department of Finance Committee on Reward ang hinihirit na reward! At dahil hindi aprubado, malinaw na wala ring iniipit na reward kaya naman sablay ang mga banat at karapat-dapat ang bagong kaso na isasampa ni Medialdea laban kay Tulfo.

***

Tumitimbang nga­yon ang kagustuhan ng ilang mambabatas na paimbestigahan ang kabibitiw lamang na president ng United Coconut Planters Bank (UCPB) na si Higinio Macadaeg Jr. na sinampahan na ng kasong graft and misconduct sa Office of the Ombudsman dahil sa maanomalyang pagbili ng isang ‘disputed building’ sa Makati.

Malakas ang usap-usapan sa Malacañang na hindi kusa ang pagbibitiw ni Macadaeg at ito’y forced resignation dahil nabu­king daw ni Pangulong Rodrigo Duterte ng mga maanomalyang transaksyon sa UCPB sa ilalim ng pamamahala ni Macadaeg. Ang balita nga ay pinaboran ni Macadaeg ang isa niyang kaibigan sa bentahan ng foreclosed properties na malinaw namang labag sa Saligang Batas.

Nabaling ang atensyon ng mga mambabatas kay Macadaeg dahil sa inihaing reklamo ni human rights lawyer Rico Domingo. Sa tinatakbo ng mga bulung-bulungan tungkol sa isyung ito, hindi makakalusot si Macadaeg dahil desidi­do si Domingo pati na ang ilang mambabatas na maimbestigahan ito para makita kung ano pa ang mga pinasok na maano­malyang transaksyon ng UCPD noong nakaupo pa si Macadaeg. Dahil kung totoo na maraming magsisi­ngawang maanomal­yang transaksyon, hindi sapat ang pagbibitiw lamang.

Kailangang panagutan ang mga naging atraso!

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy