Una sa Balita

May daya sa dialysis?

0 448

Kung dati, dayaan lang sa halalan ginagamit ang mga patay bilang ‘ghost vo­ter,’ ngayon naman pati raw sa paniningil sa PhilHealth para sa dialysis ay ginagamit na rin diumano sa pandaraya ang mga kaawaawang patay.

May dalawang empleyado ng isang dialysis center ang tumuga o nagsiwalat sa ginagawang raket daw ng kanilang pinagtatrabahuhan para makasingil sa PhilHealth kaugnay sa pagda-dialysis ng kanilang mga pasyente kahit namatay na.

Natural mga tsong na itatanggi naman ng kompanya ang bintang ng dalawa nilang da­ting tauhan. Ang matindi nito, ibinalik pa nila sa dalawa ang bintang at gusto nilang palabasin na raket ng dalawang nagsiwalat ang sinasabing paniningil kahit dedo na ang mga pasyente.

Ito ngayon ang dahilan kaya iniimbestigahan ng PhilHealth ang naturang akusasyon para alamin ang buong katotohanan. Nais din nilang mabisto kung may mga opisyal o tauhan sa PhilHealth na sangkot o kasabwat sa umano’y scam ng pagda-dialysis sa patay.

Pero tanong ng ating kurimaw na takot maospital, wala raw bang paraan ang PhilHealth para masuri kung patay o buhay pa ang isang pasyenteng miyembro ng PhilHealth? Ano raw kayang leksyon ang na­tutunan ng PhilHealth sa kontrobersiyang ito para mapangalagaan naman ang pondo nila? Dapat bang magkaroon ng renewal ng membership taon-taon, tuwing ikatlong taon, o after five years? o siguro depende sa edad ng miyembro.

Kung tutuusin, dapat talagang paigtingin ng PhilHealth ang pag-double check nila sa mga pasyente [lalo na kung malaki ang bayarin o pangmatagalan ang gamutan] kasunod ng pagsasabatas sa Universal Health Care. Sa ilalim kasi ng naturang batas, magiging mi­yembro na ng PhilHealth ang lahat ng Pinoy. Ang resulta nito, mas malaking pondo.

Ngayon nga ay aburido ang mga nasa industriya ng tobacco at alcohol [alak] dahil sa mga produkto nila kinukuha ang pondo ng health care sa pamamagitan ng pagpapataw ng mataas na buwis [sin tax]. Kapag mas malaki ang pondo, siyempre mas malaki ang puwedeng waldasin.

Ang tanong, saan-saan pa kayang health services nagkakaroon ng kalokohan para mahuthutan ng pera ang PhilHealth? May kasabwat kaya ang mga kolokoy na manloloko sa loob ng PhilHealth? 

Noong 2015 nga, naibalita ang tinatawag na ‘cataract’ scam kung saan biglang dumami ang mga naniningil na doktor sa PhilHealth dahil sa pag-opera raw sa mga pasyenteng may katarata.

Hindi kaya nakakadagdag sa pagkakabaon daw sa utang ng PhilHealth sa mga ospital ang mga madadayang singil? Papaano pa kaya kapag todo na ang implementasyon ng Universal Health Care? Baka ngayon pa lang eh naglalaway na ang ilang buraot na doktor at mga wellness center, at hindi na makatulog sa pag-iisip kung papaano sila makakasawsaw sa napakalaking pondo.

Linawin lang natin, hindi lahat ng doktor eh nagsasamantala sa kanilang mga pasyente para makasingil ng mas malaki sa PhilHealth. Mas marami pa rin naman sigurong matitinong doktor. Iyon nga lang, marami rin sa kanila ang hindi nagbibigay ng resibo sa kanilang mga pasyente.

Balik tayo sa PhilHealth. Dapat tala­gang bantayan nila ang kanilang pondo laban sa mga mapagsamantala para hindi masayang at mapakinabangan ng mga may sakit, lalo na ang mga maralita. At bukod sa mga tauhan nila na sangkot sa kalokohan, dapat din ipakita ng PhilHealth na seryoso sila na habulin, maparusahan at mapatanggalan ng lisensiya ang mga doktor na mapapatunayang sangkot sa panloloko upang makasingil ng mas ma­laki sa PhilHealth. La­ging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.”

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy