Una sa Balita

May bagong lodi sa protesta

0 366

Nitong mga nakaraang linggo, isang maliit na teritoryo ng China ang nagpakita mga tsong ng ‘balls’ at pagkakaisa, at ngayon ay hinahangaan ng buong mundo—ang Hong­kongers o mga mamamayan ng Hong Kong.

Namangha nga ang isa nating kurimaw nang makita niya sa social media kung gaano kadami ang taong bumuhos sa kalye ng Hong Kong para iprotesta at tutulan ang isinusulong na extradition bill ng kanilang pinuno na si Carrie Lam. 

Para sa hindi nakakaalam at nag-aakalang isang bansa ang Hong Kong, ang paboritong pasyalan na ito ng mga mahilig magliwaliw at mag-shopping eh teritor­yo ng China. Pero bago nito, maraming taon munang nasa ilalim ng pamamahala ng Britanya ang Hong Kong. Katunayan, noon lang 1997 ipinasa ng Britanya ang pamamahala sa China.

Kaya naman marami pa rin sa mga mamamayan ng Hong Kong na demokrasya pa rin ang nasa mentalidad at hindi komunismo na siyang umiiral sa Mainland China. Kaya nang tangkain ng pinuno nilang si Lam na isulong ang pag-apruba sa extradition bill kung saan maaaring ipadala sa Mainland ang Hongkongers na mahaharap sa kaso, aba’y pumalag ang mga mamamayan sa maliit na teritoryong ito.

Sa kabila ng peligro ng pag-aresto at nagkalat na mga pulis, aba’y bumuhos ang mga demonstrador sa kalye. Sa dami ng tao [na sinasabing may pagkakataon na umabot daw sa dalawang mil­yon], bumalik sa alaala ng ating kurimaw ang people power revolt sa Edsa noong 1986 na nagpatalsik sa kapangyarihan kay dating Pangulong Ferdinand Marcos.

Ang isa nating kurimaw, hindi naiwasang mainggit sa mga Hongkongers sa ipinakitang katapangan nila at pagkakaisa. Kasi raw ngayon, bihira nang magkaroon ng malalaking pagtitipon tungkol sa mahahala­gang isyung panlipunan. Kahit nga raw sa nangyaring pagbangga ng barko ng mga Tsino sa bangka ng mga mangingisdang Pinoy eh wala man lang nagtipon-tipon sa labas ng embahada ng China.

Mukha raw naging tambayan na lang ng mga walang magawa ang mga lugar na dating takbuhan ng mga nagpoprotesta tulad ng Mendiola at Plaza Miranda. Sabi naman natin, baka naman walang nakikitang dahilan ang mga tao para magprotesta. Isa pa, baka sawa na rin sila sa pagpoprotesta dahil iniisip nila na wala namang nagbabago. Bukod doon, namumura pa sila ng mga tsuper at mga pasahero kapag nagdulot sila ng trapik.

Isa pang posibleng dahilan kaya siguro madalang nang magprotesta ang mga Pinoy eh dahil mayroon na silang paraan para mailabas kung ano man ang sintemyento nila sa isyu—sa social media. Kung buwisit ka sa isang isyu, aba’y i-share mo lang ang makikita mong article at lagyan mo ng komento. Sabi nga ni Facebook, “what’s on your mind?”

Pero sa nangyari sa Hong Kong, batid ng mga tao roon na magkakaroon ng mala­king epekto sa kanilang kala­yaan at seguridad bilang indepedyanteng teritor­yo ang pagkakaroon ng extradition law. Kaya naman pagkaraan ng halos dalawang linggong protesta ng mga tao, aba’y tumiklop si Lam at nag-sorry sa mga kababayan niya.

Hindi lang tapang ang ipinakita ng Hongkongers sa nangyaring protesta sa kanila, nakita rin kung gaano sila kadisiplina at kahanda. Mantakin mong parang dagat na nahawi ang mga tao sa kalye para makadaan lang ang isang ambulansiya. May namimigay pa ng pagkain, tubig, payong at iba pang gamit sa mga nagpoprotesta. 

Basta huwag nating kakalimutan na minsan na rin namang naipakita ng mga Pinoy na kaya nating magkaisa. Iyon nga lang, huwag aasa na basta-basta na lang itong mangyayari dahil baka madurog lang din ang puso mo gaya ng naramdaman ni Senador Ping Lacson sa sinapit ng mga kababayan nating mangingisda. 

 Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.”

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy