Una sa Balita

May bagong atraso ang mga Tsino?

0 330

Nitong nakaraang Hunyo 9, ipinagdiriwang natin ang Filipino-Chinese Friendship Day. Pero sa araw ding ito pala [sa gabi nga lang], aba’y nalagay sa panganib ang buhay ng 22 mangingisdang Pinoy sa karagatan ng Recto Bank [na malapit sa Palawan], matapos daw na banggain ng mas malaking barko ng China ang bangkang pangisda ng mga kababayan natin, na dahilan para lumubog.

Para sa kaalaman ninyo, taon-taon ginugunita ang Filipino-Chinese Friendship Day sa bisa ng Presidential Proclamation na pinirman ni da­ting Pangulong Gloria Arroyo noong 2002. Alam naman siguro ng marami nating kababayan na bukod sa administrasyon ni President Mayor Digong Duterte, naging BFF din noon ng administrasyong Arroyo ang China.

Hindi ba’t katakot-takot na kasunduan din ang naisara ng China at Pilipinas sa ilalim ng Arroyo government, at na­ging kontrobersyal ang ilan dito dahil sa mga alegasyon ng katiwalian tulad ng ZTE-National Broadband Network project, at North Railways project.

Pero kinagabihan pala nang araw na iyon, nalagay sa panganib ang buhay ng mga kababayan nating mangingisda sa Recto Bank. Batay sa mga lumabas na ulat, naka-angkla ang bangkang de-motor ng mga mangingisdang Pinoy nang banggain daw ng mas malaking sasakyang pandagat ng umano’y mga Chinese fishermen. Mangingisdang Tsino nga kaya ang mga iyon o iyong tinatawag nilang mga Chinese ‘militia’?

Sa tindi ng pinsala ng bangka ng mga Pinoy, lumubog ito at natapon ang mga huli nilang isda. Ang matindi pa mga tsong, aba’y ‘di raw tumigil ang mga Tsino para saklolohan ang mga kababayan nating palutang-lutang sa dagat.

Mabuti na lang ay mga ibang mangingisda sa lugar na tumulong sa mga Pinoy. At kung tama ang natanggap na impormasyon ng ating mga opisyal, mga Vietnamese fishermen daw ang mga tumulong sa kanila. 

Pero siyempre, asahan natin ang gagawin nilang pambobola na ‘pananagutin’ nila ang kanilang mga kababayan kung totoo ang mga lumabas na ulat.

Nang gawin natin ang pitak na ito, ilang mambabatas na at ilang opisyal [tulad nina Defense Secretary Delfin Lorenzana at Foreign Affairs Sec. Teddy Boy Locsin] ang kumondena sa nangyaring insidente. Ngunit kung ano ang kasunod ng ginawa nilang pagkondena, hindi pa natin alam. 

Naghain na raw ng diplomatic protest si Locsin pero hindi naman niya sinabi ang laman nito. Aba’y bakit kaya secret?  Ang Malacañang naman, sinabing handa raw na putulin ang ugnayan sa China kapag napatunayan na totoong Chinese ang mga sangkot, at kung totoong sinadyang banggain at palubugin ang bangka ng mga Pinoy at kanila pang iniwan.

Kaya lang kasi, marami nang atraso sa mga Pinoy ang mga Chinese sa usapin ng West Phi­lippine Sea. At hindi ito ang unang pagkakataon na may mga kababayan tayong mangingisda na nalagay sa panganib matapos banggain ng mas malaking bangka ng China ang kanilang sasakyan. Ang lahat ng iyan mga tsong eh nangyayari kahit pa ipinapangalandakan ng ating gobyerno na ‘kaibigan’ natin ang China.

Habang ginagawa natin ang pitak na ito, wala pang pahayag mismo si President Mayor Digong sa insidente. Mapapamura kaya ang pangulo kung mapapatunayan na Chinese ang mga bumangga sa mga kababayan niya? Aba’y abangan natin. Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.”

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy