Una sa Balita

May araw ka rin!

0 590

Sen. Ralph Recto

‘Pag tag-araw, ang problema ay kulang sa tubig at brownout. ‘Pag tag-ulan naman, sobrang tubig/baha at brownout pa rin ang problema.

Palaging brownout ang problema. Sa normal na operasyon ng ating power plants, kayang suplayan na walang putol ang regular na konsumo ng kuryente ng buong bansa. Subalit sa sandaling may masira sa mga planta at bumaba ang load capacity ng mga grids, asahan ang ‘rotational brownouts’ na naging parte na ng pang-araw-araw nating boka­bularyo sa dalas mangyari.

Sa huling datos na nabasa ko, at maaaring sa ngayon ay mas mataas pa ang numero dito, ang benta at konsumo ng buong bansa sa kuryente ay 77,261 GWh, na pinaghahatian ng Luzon, 57,489 GWh o 74%; Visayas, 10,292 GWh o 13%; at Mindanao, 9,481 GWh o 13%. Mas mataas ang numero ng pangangailangan sa kuryente kesa sa supply ng kuryente. Kung mas mataas ang demand kesa supply, doon nangyayari ang brownouts.

Mataas ang konsumo sa kuryente ng mga taga-Luzon dahil na rin siguro nandito ang sentro ng bansa, malalaking negos­yo at lahat ng opisina ng gobyerno.

Nasa Luzon din ang dalawa sa pinakamala­king power plants—ang Sual at Masinloc.

Mahalaga na stable ang supply ng kuryente dahil sa bawat putol ng kuryente, may katumbas itong lugi sa negosyo at sa ating ekonomiya.

Isa sa nakikita kong malaking maitutulong dito ang malawakang paggamit ng renewable energy tulad ng pag-convert sa enerhiyang ga­ling sa araw upang mag-supply ng kuryente. Solar energy ang tawag dito.

Tayo ay nabibiyayaan ng maraming panahon na tag-araw. Sagana sa sikat ng araw, sagana sa solar energy na kung lubusan nating mapapakinaba­ngan ay tiyak na magreresulta sa malaking tipid sa konsumo ng kuryente, partikular sa mga tanggapan ng pamahalaan.

Sa bilis ng paglobo ng populasyon ng Pilipinas, ang hamon ay kung paano maisabay sa panga­ngailangan ng consumer ang available na supply ng kuryente, sa kabila ng patuloy na pagtaas ng pres­yo ng kuryente at langis.

May panukala tayo na isusulong sa pagpasok ng 18th Congress na magbibigay mandato sa DPWH at DOE na magtayo ng Renewable E­nergy Systems at simulang lagyan ng solar pa­nels ang mga gusali at tanggapan ng pamahalaan upang mabawasan ang binabayarang kuryente.

Malaking bagay na para sa kaban ng bayan kung mababawasan natin ng 10% ang binabayarang kuryente ng mga tanggapan ng pamahalaan sa pamamagitan ng pagkabit ng mga solar panels. Habang tumatagal ay unti-unti nating palalakihin ang pors­yento ng solar energy na ginagamit, hanggang maabot natin ang 50% supply para sa lahat ng tanggapan ng pamahalaan. Napakalaking tipid ang mangyayari kapag naipatupad na ang ganitong panukala sa lahat ng government offices.

Malinis at walang polusyon ang solar ener­gy. Libre ito dahil kino-convert lang natin ang enerhiyang mula sa sikat ng araw. Higit sa lahat, walang istorbo sa kalikasan o antala dahil ikakabit lang ang solar panels sa bubong ng mga gusali kung saan ito mag-iipon ng enerhiya mula sa araw.

May malilikha ring trabaho ang panukala natin dahil kakailanganin ang skills ng mga Pilipino sa pag-develop ng industria sa renewable energy.

Isang malaking hakbang rin ito upang makamit natin ang target na makagamit ng 15,304 MW mula sa renewable energy sa taong 2030. Sa ngayon ay 5,438 MW lamang ang naitatalang gamit natin ng renewable energy.

Magandang simulan natin ang paggamit ng renewable energy sa lahat ng tanggapan ng gobyerno. ‘Pag nakita na natin ang napakala­king menos sa bayad sa kuryente, maeengganyo na ang ibang sumunod at gumamit ng solar energy sa kani-kanilang negosyo at tahanan.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy