Una sa Balita

May 2019 mid-term elections, dapat ibalik sa manual

0 248

Nanindigan ang ilang information technology o IT experts at mga grupo ng electoral reforms advocates na ibalik na lamang ng Commission on Elections (Comelec) sa manual na bilangan ang isasagawang May 2019 national and local elections.

Sa ginanap na Mata sa Balota 2019 media forum, sinabi ni Dr. Nelson Celis, chairman ng Automated Election System Watch at IT expert na mas makabubuting gawin na lamang na manual ang halalan sa Mayo 13 dahil wala ng kredibilidad ang automated election service provider na Smartmatic.

Inihalimbawa ni Celis ang mga bansang dating gumagamit ng automated election na bumalik sa ma­nual counting gaya ng Germany, Netherlands at iba pang mayayamang bansa sa Europa.

Naniniwala si Celis na kahit na aniya mayroong Automated Election Law dahil sa maraming mga pag­labag na ito ng Smartmatic ay maaari ng bumalik sa mano-manong bilangan upang magkaroon ng mali­nis at tapat na halalan
Paliwanag pa ni Dr. Celis kung ang magaganap na bilangan ay magmumula sa lebel ng presinto patu­ngo sa municipal level ito aniya ay hindi maaaring madaya hindi katulad ng automated election na sa transmission pa lamang ng boto ay maaari ng magkaroon ng human intervention para pakialaman ang resulta ng halalan na walang makakakita.

Naniniwala si Dr. Leo Olarte na upang mawala ang duda ng publiko sa automated election ay kailangang alisin na ang Smartmatic lalo na’t isa sa mga opisyal ng Smartmatic ay aminadong nagkaroon ng iregularidad sa transmission ng bilangan ng balota noon na ginawa sa ‘meeting room’.

Samantala, sinabi ni Dr. Mike Aragon, ang Mata sa Balota 2019 Media Forum ang nagsampa ng makasaysayang kaso laban sa executive ng Smartmatic na si Marlon Garcia, dating Comelec chairman Andres Bautista at dating PPCRV chairman Tita Devilla dahil sa mga naganap na anomalya at iregularidad sa mga nakaraang halalan.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy