Una sa Balita

Maute leader Abu Dar kumpirmadong patay na

0 227

KINUMPIRMA ng Armed Frces of the Philippines (AFP) ang pagkamatay ng terrorist leader na si Owada Benito Morohomsar o mas kilalan si Abu Dar matapos magpositibo ang resulta ng ginawang DNA sample sa isang bangkay na nasawi sa bakbakan kamakailan.

Ang kumpirmasyon ay inilabas ni Col. Romeo Brawner, commander ng 103rd Brigade ng Philippine Army na nakabase sa Marawi City.

Ayon kay Brawner, ang kumpirmasyon ay umabot ng halos isang buwan matapos mapatay si Dar sa isang military operation sa bounda­ry ng bayan ng Tuburan at Pagayawan sa Lanao Del Sur.

Dahil sa pagkamatay ni Dar, natapos na ang grupo ng Dawlah Islamiya sa lalawigan ng Lanao del Sur, ayon pa kay Brawner.

“This group is leader-centric. If you remember, when the two leaders were neutralized in the last part of the Marawi siege, President Duterte declared the liberation of Marawi from the terrorist influence,” pahayag ni Brawner sa isang panayam.

Ang sinasabi ni Brawner na dalawang lider ay sina Abu Sayyaf leader Insnilon Hapilon at Omar Maute, na silang namuno ng pag-atake sa Marawi City noong 2017.

Kasama ng dalawang lider si Abu Dar na nagplano ng pag-atake suba­lit nakalusot ito ng battleground bago pa man makubkob ng militar ang grupo.

Matapos ang limang buwan giyera na natapos noong Oktubre 2017, nagsimula na ulit mag-recruit at magsanay si Abu Dar ng mga bagong mi­yembro at tinarget nito ang mga kabataang naulila sa naganap na Marawi siege na kung tawagin ay mga child warrior.

Samantala, hinihintay na lang ng AFP ang kopya ng DNA test na nagkukumpirma ng pagkamatay ni Abu Dar upang ipadala na rin kay Pangulong Rodrigo Duterte na siyang inaasahang mag-aanunsyo sa publiko ng pagkamatay ng teroristang lider. (Edwin Balasa)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy