MAUTE BANGAG SA LABANAN!

By , ,

Gumagamit ng ilegal na droga ang mga miyembro ng Maute Group kung kaya’t hindi nakakaramdam ng antok at pagod sa pakikipagbakbakan sa puwersa ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa Marawi City.

Ito ang hinala ng isang opisyal ng Malacañang at maging ng AFP matapos makarekober ang mga tropa ng gobyerno ng 11 kilo ng shabu mula sa isang abandonadong bahay na pinagkutaan ng mga terorista.

Napag-alaman na pinasok ng mga kawal ng 49th Infantry Battalion ng Philippine Army sa pamumuno ni 1st Lt. Emerson Tapang, bandang alas-6:30 ng gabi kamakalawa, ang isang abandonadong bahay na pinaghihinalaang pinagkutaan ng mga mi­yembro ng Maute Group.

Ayon kay Lt. Gen. Carlito Galvez, commander ng Western Mindanao Command, ang 11 kilo ng shabu ang pinakamalaking illegal drug haul sa ngayon ng militar.

“This strengthens our findings that these terrorists are using illegal drugs which according to Muslim religious leaders is Haram. These Maute and ASG terrorists are not Muslims. They have violated every tenets of the teachings in the Holy Quran,” pahayag ni Galvez.

Sinabi naman ni AFP spokesman Brig. Gen. Restituto Padilla na ang nabanggit na dami ng nasabat na shabu ay tinatayang nasa P250 milyon ang market value.

Bukod aniya sa mga shabu, nakakuha rin ang mga sundalo ng mga drug paraphernalia at 10 mga armas.

Dati nang pinaghihinalaan ng militar na bumabatak ang mga te­rorista dahil ilang beses nang nakarekober ang mga tropa ng gobyerno ng sachets ng shabu at paraphernalia sa mga da­ting inokupahang posisyon ng mga terorista.

“Troops have recovered sachets of shabu and paraphernalia at formerly Maute-Daesh/ISIS occupied positions in many instances during the clearing operations,” wika ni Presidential Spokesman Ernesto Abella sa Min­danao Hour sa Malacañang kahapon.

Dahil nakabatak, hindi nakakaramdam ng antok at agresibo ang mga tero­rista kung kaya’t 24/7 ang pakikipaglaban nila sa puwersa ng pamahalaan.


“Troops in the frontline say they are facing drug crazed individuals who are evidently high on illegal drugs,” ayon naman kay Army Capt. Jo-Ann Petinglay, ang spokesperson ng Western Mindanao Command.

SHARE