Una sa Balita

Matutong mag-research habang bata pa

0 436

Karamihan sa ating mga mag-aaral ay nasa vacation mode na. Tapos na ang halos isang taon na assignments, exams, pro­jects at mga extra-curri­cular activity. Isang taon na naman ang nagdaan kaya sigurado akong lulubusin ng kabataan ang inaabangang bakasyon.

Habang tayo ay nagpapahinga, mainam din na isagi natin sa ating isipan ang ating mga plano sa susunod na school year upang mapaghandaan natin ang ating kinabukasan.

Kadalasan, sa ating pag-iisip dito nabubuo ang mga pangarap natin. Tulad na lang ng pangarap na maging scientist, imbentor, doktor, astronaut at marami pang iba. Ang tanong, kaya bang makamit ang mga pangarap na ‘to? Oo naman.

Kaya nga habang bata pa, maigi na matutong mag-research o manaliksik ng mga impormasyon o kasagutan sa maraming katanu­ngan sa mundo. Tulad na lang sa subject na Science, hinahasa nito ang iba’t ibang senses kasama ang proseso ng pagmamasid, pagtukoy, pagsukat, pag-obserba at pag-eksperimento.

Naniniwala ako na ang bawat isa sa ating kabataan ay may kani-kaniyang abilidad, kakayahan at kaalaman — ang mga katangiang ito ang nagsisilbing daan para matulungan ang sarili na maging maga­ling sa maraming bagay sa loob at labas ng paaralan.

Napakahalaga na masanay ang bawat mag-aaral sa mga research work dahil nabibigyan sila ng oportunidad na mapalawak pa ang kanilang kaalaman at interes. Nagiging mas malikhain, matiyaga at natututong maging independent kung saan malaya sila sa pagdedesisyon at kumilos na mag-isa.

Mas lumalalim ang pang-unawa at interpretasyon sa mga nakakalap na impormasyon. Sa mga research project, ito ay nagiging daan para mapaghusay ang kakayahan sa komunikasyon, natututong bumuo ng malusog na relasyon sa kapwa mag-aaral, tea­cher, magulang at iba pa.

Tulad ng ating mga mag-aaral, ako rin ay patuloy na nag-aaral. Katunayan, parte ng ating trabaho ang makabuluhan at mabusising pagpaplano at pagsasaliksik ng mga panukalang batas upang masagot at mabigyan ng solusyon ang bawat problema ng ating bansa na nais na­ting tutukan.  

Kaya naman, kung paglalaanan lamang natin ng sapat na oras at interes ang mga susunod na henerasyon na mapalawak at magamit ang kanilang mga nalalaman at natututunan, tiyak na mas malayo pa ang mararating ng mga ito sa hinaharap. Kaya habang bata pa, paghandaan at planuhing maigi ang inyong mga pangarap.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy