Una sa Balita

Matinong batas, palpak sa implementasyon

0 449

Napakaraming batas sa Pilipinas ang maituturing na matino, maayos at maaaring makatulong sa lahat ng mamamayan.

Pero nagkakatalo lang sa implementas­yon at kadalasan ay hindi natututukan lalo na sa pondo.

Ang pinakahuling batas na masasabing matino ay magiging kapakipakinabang lalo na sa mga nagpaka­buting mga bilanggo na kung saan ay nagbibigay ng pagkakataon upang mabawasan ang sentensiya ng isang bilanggo.

Ang ating tinutukoy ay ang Republic Act No. 10592 or Good Conduct Time Allo­wance (GCTA) na kung saan ay talaga namang makikinabang dito ang mga bilanggo na totoong nagpakabuti at maaari na muling bumalik sa normal na buhay sa labas ng Bilangguan.

Pero ang batas na ito ay pinaniniwalaang napapalusutan dahil ang mga napapabilang sa listahan ng makikinabang ay hindi dumaan sa mas transparent na proseso.

Sa libo-libong preso ay dapat lang na ipaalam sa publiko kung sino-sino ang maaaring maging ku­walipikado at tiyakin na walang nangyayaring katiwalian at palakasan.

Sa dinami-dami ng bilanggo ay bakit si dating Calauan Laguna Mayor Antonio Sanchez na karumal-dumal ang kaso ang napasama sa unang batch na palalayain?

Nauna rito ay marami nang mga batas ang maayos ang intensiyon pero hindi tumatama sa implementasyon.

Isang halimbawa rito ang Oil Deregulation Law na ang unang intensiyon ay pababain ang presyo ng langis dahil sa kompetisyon pero ngayon ay hinihinalang may sabwatan at may kartel.

Ang batas sa pagbabawal sa pagmamaneho ng lasing pero hindi maipatupad dahil walang breath analyzer ang mga traffic enfor­cer kaya naman tuloy ang mga malalagim na aksidente.

Sana naman ay mabago na ang ganitong kalakaran at ang mismong gumagawa ng batas ay siyang magbabantay kung tama at hindi pumapalpak sa implementasyon.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy