Una sa Balita

Matinik na swindler sa Zamboanga, huli sa Valenzuela

By
0 117

ARESTADO ang isang senior citizen na babae­ na wanted sa Zamboanga­ City, matapos may makapagturo sa kanya sa tinutuluyan­ nito sa Valenzuela City, kamakalawa nang ­umaga.

Ayon kay SPO3 Remy Berenguel, head ng Warrant and Subpoena Section (WSS), kinilala ang dinampot na suspek na si Jovita Ocampo, 63, nanunuluyan sa No. 22 Cadena De Amor St., Bahayang Pagasa, Brgy. Maysan ng nasabing lungsod.

Kuwento ni SPO3 Berenguel, nakipag-ugnayan sa kanila ang mga pulis sa Zamboanga City, matapos silang makakuha ng impormasyon na sa Valenzuela­ daw nagkakanlong si Ocampo na umalis sa kanilang lugar dahil sa kaso nitong estafa/swind­ling na may Criminal Case No. 1-6958.

Bunga nito, nagsagawa ng surveillance ang mga tauhan ng WSS, hanggang may makuha silang impormasyon na namataan si Ocampo sa Bahayang Pag-Asa, Brgy. Maysan.

Dakong alas-10:00 nang umaga, bitbit ang warrant of arrest na ipinalabas ni Hon. Judge Vicente S. Dela Plaza, ng Ipil, Zamboanga Regional Trial Court (RTC), hinuli nina SPO3 Berenguel si Ocampo at binitbit sa presinto.

Pansamantalang nakakulong sa Valenzuela Detention Cell ang matandang babae, habang hinihintay ang commitment order upang madala na ito sa Zamboanga.