Una sa Balita

Matinik na snatcher sa Rizal Park, tiklo

By
0 6,511

ARESTADO ang isang snatcher matapos agawan ng mamahaling cellphone ang isang performing artist habang kinukuhanan ng larawan ang kanyang kaibigan kamakalawa ng gabi sa Luneta o sa Rizal Park, Ermita, Maynila.

Nasa kustodiya ng Manila Police District-Police Station 5 ang suspek na si Latorino David, 24-anyos, na residente ng Intramuros, Maynila dahil sa reklamo ni Ofelia Sularte, 33-anyos, residente ng Phase 4, Block 34, Paseo Delahoya Street, Lajoya Village, Sta. Rosa, Laguna.

Ayon sa imbestigasyon ni SPO1 Rhyan Rodriguez, may hawak ng kaso, nabatid na dakong alas-8:20 ng gabi nang maganap ang insidente sa Rizal Park sa Ermita.

Kinukunan umano ng picture ni Sularte ang kanyang mga kapwa performing artist sa Rizal Park nang bigla na lang agawin at itakbo ng suspek ang kanyang kulay silver na IPhone 6 na nagkakahalaga ng P45,000.

Nagsisigaw at humi­ngi ng tulong ang biktima na nakatawag ng pansin kay Rey Madiaga, na tumulong na habulin ang suspek.

Ang paghabol sa suspek ay nakatawag rin ng atensiyon sa mga nagpapatrulyang pulis na sina P/Chief Insp. Arvin Creencia, PO1 Rocky Mansibang at PO1 Arnold Nuval kaya’t kaagad na rumesponde ang mga ito. Naaresto ang suspek at narekober ang tinangay na cellphone ng biktima.